Monday, May 23, 2011

WFP pinag-aaralan ang mga rekomendasyon sa apat na DRR pilot areas sa bansa


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 23 (PIA) – Matapos ang ginawang Project Initiation Workshop kamakailan sa Asian Institute of Management Conference Center sa Makati City sa ilalim ng proyektong “Provisions of Technical Support to the Government of the Philippines for Disaster Preparedness and Response Activities”, inihayag ni Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) OIC Head Jose Lopez na kasalukuyang nasa antas ng pagsusuri ang World Food Programme (WFP) sa mga natanggap na “generic recommendations” ayon sa kapasidad ng walong mga munisipalidad sa apat nilang pilot provinces sa bansa.

Ayon kay Lopez, kinailangang isagawa ang nabanggit na workshop para sa national government agencies tulad ng Department of Social Work and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG), Office of Civil Defense (OCD), gayundin ang mga sangkot na lalawigan upang mailahad ang mga gaps o kakulangang hadlang upang epektibong maipatupad ang DRRM sa mga target nilang lugar.

Ang paghahanda naman para sa mga isusumiteng panukala sa hinaharap ay dapat na naaayon din sa mga suliranin ng dalawang pilot municipalities ng bawat napiling lalawigan kung saan dito mamumuhunan ng siyam na buwan ang tutulong na non-government organization (NGO).

Ayon pa kay Lopez, ang ginawang pagbisita kamakailan ng WFP at USAID sa Sorsogon ang siyang kukumpirma sa isinagawang assessment dito sa lalawigan tulad ng mga nangyaring pagbabaha at pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan at epekto nito sa mga bayan ng Juban at Irosin.

Magka-ugnay din aniya ang isasagawang proseso ng pagtulong at ng mga ibinigay na rekomendasyon base sa mga assessments.

Kabilang sa mga pilot areas ng WFP at Earthquake Megacities Initiative (EMI) ang Cagayan sa Region II, Laguna sa Region IV-A, Benguet sa CAR at Sorsogon sa Region V. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment