Tuesday, June 28, 2011

Aktibidad ng Sorsogon City Fiesta umarangkada na

Ni: BARecebido/FBTumalad

Sorsogon City, June 24 (PIA) – Matapos ang naging pag-uulan dito nitong nakalipas na araw dala ng bagyong Falcon, mapalad na biniyayaan ng magandang panahon kahit makulimlim ang pagbubukas ngayong araw ng mga aktibidad para sa selebrasyon ng Sorsogon City Fiesta.

Als-otso y medya ng umaga kanina nang magsimula ang civic military parade na nilahukan ng mga kinatawan ng national, provincial at city government, barangay officials, mga pangunahing tindahan sa lungsod, business establishments, food chains at iba pang mga sponsors.

Naging buhay din ang parada dahilan sa partisipasyon ng drum and lyre corps at floats ng iba’t-ibang mga public at private schools.

Isa sa mga tampok na aktibidad at inabangan sa pagbubukas ngayong araw ng Sorsogon City Fiesta ang pagdating ni Presidential Sister at TV Host Ms. Kris Aquino kasama si Senator Francis “Chiz” Escudero at Sorsogon 1st District Congressman Salvador H. Escudero III.

Nagpasalamat naman si Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda sa biglaang pagbisitang ito ng TV host na kahit pa hindi naging maganda ang panahon ay pinilit pa rin nitong makarating sa Sorsogon City.

Kabilang sa dalawang paaralang makatatangap diumano ng Baby James Donation na mga school supplies at iniindorso nilang germicidal soap ay ang Balogo at Abuyog Elementary Schools kung saan mahigit isanglibo’t limangdaang mga mag-aaral ang mabibiyayaan.

Matapos ang maiikling mensaheng ibinigay nina Senator Escudero, Congressman Escudero at Ms. Kris Aquino, ay agad nang sinimulan ang pamamahagi ng mga dala-dala nilang mga tulong.

Samantala, iba’t-ibang mga aktibidad tulad ng mga cultural shows, sports activity at concert ang aabangan pa ng mga Sorsoganon hanggang sa sumapit ang araw ng kapistahan ng lungsod sa darating na June 29. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment