Friday, June 17, 2011

BIR Sorsogon naghayag ng kanilang posisyon ukol sa tax exemption


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 17 (PIA) – Dapat na bigyan ng kaukulang exemption ang sinumang tax payer na kwalipikado lamang ayon sa itinatakda ng batas.

Ito ang posisyon ng Bureau of Internal Revenue sa panukala ng mga tricycle operators at drivers na pumapasada dito sa lungsod ng Sorsogon na ma-exempt sila sa pagababayad ng percentage tax.

Matatandaang suportado ni Sorsogon City Councilor at Committee Chair on Transportation ng Sangguniang Panlungsod Victorino Daria III ang mga operators at tsuper ng traysikel sa lungsod na payagan ng BIR Sorsogon ang kanilang hiling na tax exemption, matapos na aprubahan ng konseho ang isang resolusyon sa nakalipas na regular na sesyon ng Fourth City Council noong June 7, 2011.

Ayon kay BIR Sorsogon Revenue District Officer Ma. Thelma Pulhin, wala silang makikitang suliranin sa inaprubahang resolusyon kung matutukoy nito ang mga tricycle operators at drivers na kwalipikado bilang marginal income earners alinsunod sa Revenue Regulations No. 11-2000.

Dagdag pa ni Pulhin na hindi lahat ng operators ng mga traysikel ang makakapasok sa nasabing exemption sapagkat dedepende ito sa kung ilang yunit ng traysikel ang nakarehistro at hindi dapat lalampas sa P100,000 gross receipts ang kita  ng mga ito sa loob ng isang taon.

Nilinaw din ni Pulhin na ang boundary ng mga tsuper na iniintrega sa operators ay hindi dapat kabilang sa kanilang net income at hindi rin kasabay sa percentage tax.

Sa ngayon ay hinihintay pa diumano ni Pulhin sa kaniyang tanggapan ang kopya ng nasabing resolusyon upang mabigyan na ito ng agarang aksyon. (HBinaya/PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment