Thursday, June 16, 2011

Breastfeeding program ng NNC pinaiigting pa


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 16 (PIA) – Patuloy ang pagsusulong ng National Nutrition Council (NNC) ng kanilang breastfeeding program upang mapaigting pa ang kamalayan ng publiko lalo na ang mga buntis ukol sa tamang pagpapasuso ng mga ina ng kanilang sanggol o breastfeeding.

Sa pamamagitan ng Provincial Nutrition Committee, kasalukuyang nagsasagawa ang NNC ng mga pagsasanay na magpapalakas pa sa implementasyon ng Accelerated Hunger Mitigation Program: Good Nutrition Component dito sa lalawigan ng Sorsogon bilang bahagi pa rin ng pangkalusugang adyenda ng pamahalaang nasyunal.

Sinimulan ang nasabing training dito noong nakaraang Lunes, June 13 at matatapos bukas, June 17 sa bayan ng Pto. Diaz, Sorsogon. Ito ay nilahukan ng mga Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers, midwives, mga buntis at iba pang mga residenteng interesadong makakuha ng mga dagdag kaalaman.

Ayon kay Department of Agriculture District Program Coordinator Evangeline Banares, upang makumpleto na ang pagpapatupad ng programa sa lahat na mga barangay sa lalawigan ng Sorsogon, tinatapos na nila ngayon ang mga natitira pang barangay sa lalawigan partikular sa bayan ng Pto. Diaz.

Katuwang ng Provincial Nutrition Committee sa pagpapatupad ng programa ang Department of Education, Department of Agriculture, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Budget and Management at ilang mga Non-Governemnt Organizations.

Bahagi ng ginawang training ang Pabasa sa Nutrisyon kung saan may mga modules na ibinibigay sa mga kalahok ukol sa tamang nutrisyon, pagsusulong sa kahalagan ng itlog at gulay kasama na rin ang tamang pamamaraan sa pagpapakain ng mga sanggol at bata. (BFraga/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment