Tuesday, June 28, 2011

Mga suliranin sa Philhealth Registration binigyang-tugon

Photo by: IAGuhit
Ni: Bennie A. Recebido

Photo by: FBTumalad
Sorsogon City, June 27 (PIA) – Sa ginawang malawakang registration ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) noong Sabado, binigyang linaw ng mga tauhan ng Philhealth Region V at Philhealth Sorsogon ang mga suliraning kinakaharap ng masang Sorsoganon ukol sa ginawa nilang pagpapa-enrol sa Philhealth noong Oktubre 2010.

Karamihan sa mga suliranin ay ang mga maling ispeling at maling pangalang nailagay sa ID card.

Maging ang iba pang mga agam-agam ukol sa mga benepisyong maaaring makuha ng mga ordinaryo at masang mamayan ay binura din ng mga taga-Philhealth dahilan upang makumbinsi ang mga ito na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan lalo ng mahihirap na pamilya. 

Kaugnay nito, abot-abot ang naging pasasalamat ng mga masang Sorsoganon kay Pangulong Benigno Aquino III dahilan diumano sa pagtugon nito na maipaabot din sa kanilang hanay at maging sa hanay ng may mga kapansanan ang abot-kaya at de-kalidad na pampamilyang serbisyong medikal na dati ay natatamasa lamang ng mga empleyado at may kakayahang magbayad.

Samantala, sa naging pahayag ni Philhealth Sorsogon Manager Alfredo Jubilo, hindi sila naglagay ng target kung ilan ang dapat na mai-enroll sa Philhealth noong Sabado dahilan sa nais nilang bigyang-pagkakataon ang lahat ng Sorsoganong nagnanais na magparehistro at magkaroon ng Philhealth Card.

Aniya, noong nakaraang taon ay humigit-kumulang sa 10,000 ID ang naproseso ng Philhealth subalit umabot lamang sa apat na libong ID ang aktwal na naipamahagi dahilan sa ilang mga suliraning teknikal na kinaharap ng city government. Subalit tiniyak naman ni Jubilo na sakaling maayos na ito ay agad ding ipamamahagi ang naturang mga IDs.

Dalawang lugar dito sa Sorsogon ang naging sentro ng Philhealth Registration, isa sa Burabod, Sorsogon City at sa Cumadcad, Castilla, Sorsogon.

Ayon sa kinatawan ng LGU-Castilla, naglagay ang local na pamahalaan ng P301,000 para sa pagpapalista ng mga aydentipikadong mahihirap sa kanilang munisipalidad. (PIA Sorsogon)

Philhealth Nationwide IEC and Advocacy Campaign.

PIA Sorsogon personnel with Philhealth Sorsogon Manager Alfredo Jubilo and beneficiaries

PIA Sorsogon ICM irma Guhit with local officials of Brgy. Burabod, Sorsogon City.

No comments:

Post a Comment