Tuesday, June 28, 2011

Multi-level library building itatayo sa Gubat

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 28 (PIA) – Kinumpirma ni Gubat Mayor Ronnel Lim na sisimulang ipatayo ng local na pamahalaang bayan ng Gubat ang isang multi-level library building sa Brgy. Pinontingan bago matapos ang kasalukuyang taon.

Ayon kay Lim, ang nasabing gusaling aklatan na pinondohan ng anim na milyong piso ay hindi lamang basta lalagyan ng mga aklat kundi magbubuklod din sa mga Gubatnon upang magbigay inspirasyon sa mga mamayan, lalo sa mga kabataan na magbasa.

Dagdag din ng alkalde na nangako na rin si Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias Ramos, Jr. na magbibigay ng dalawang milyong piso para sa naturang proyekto, habang isang milyong piso naman sa lokal na pamahalaang bayan ng Gubat.

Matatandaang una nang nagkaroon ng pirmahan ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Library Renewal Partnership, Mano Amiga Academy, Inc., LGU-Gubat at tanggapan ng 2nd Congressional District ng Sorsogon ukol dito.

Ang Library Renewal Partnership, ay isang grupo ng mga pribadong kompanya at non-government organizations na naglalayong makapagtayo ng isangdaang aklatan sa loob ng sampung taon habang ang Mano Amiga naman ang nangakong magbibigay ng mga libro sa gagawing library.
                                                                              
Samantala, isa ang Gubat Municipal Library, sa pinakamalaking aklatan sa rehiyon ng Bicol na may mahigit sampung libong mga libro ayon kay Mayor Lim.

Ito diumano ang pangalawang library sa Bicolandia at kauna-unahan sa Sorsogon na nakatanggap ng donasyong mga aklat kabilang na ang malalaking bilang ng mga bagong-bagong textbook at gabay sa pagtuturo mula sa Library Renewal Partnership. (DRamos/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment