Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, June 23 (PIA) – Patuloy ang pag-uulan dito simula pa kagabi dahilan upang magsimulang maalarma at maghanda ang mga residente lalo na yaong malapit sa Rangas River sa may bahagi ng Juban at Irosin, Sorsogon.
Nangangamba diumano ang mga residente na dahil sa tuloy-tuloy na pag-uulan ay muling tumaas ang tubig sa Rangas River at pumasok ito sa kanilang mga kabahayan. Kaugnay nito, inihanda na nila diumano ang kanilang mga sarili at mahahalagang gamit sakaling kailanganin ang paglilikas.
Sa naging pagsubaybay ng PIA Sorsogon, ilang mga maisan na rin ang pinadapa at nakalubog sa tubig sa may bahagi ng Brgy. San San Roque sa Bacon District, Sorsogon City at ilan ding mga umuusbong na palay sa ilang bahagi naman ng Irosin, Sorsogon ang nalubog sa tubig baha.
Nanawagan naman si LtJG Ronnie Ong ng Phil. Coast Guard – Sorsogon City Station sa publiko lalo na sa mga mangingisda na iwasan na muna ang pagpunta sa dagat at paglalaot. Aniya, kung titingnan ay kalmado ang dagat subalit wala umanong nakakatiyak sa panganib na maaring suungin sakaling nasa gitna ng laot lalo’t ganitong hindi maganda ang kondisyon ng panahon.
Sinabi ni Ong na wala ding naitatalang strandees sa mga pantalan at nagbigay abiso na rin umano sila sa mga bangkero at kapitan ng barko na maging alerto sa mga pagbabago sa lagay ng karagatan at panahon.
Samantala, alerto rin ang mga local na opisyal dito para sa pagresponde sakaling magdala ng mas malalaki pang epekto ang pag-uulang dulot ng bagyong Falcon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment