Friday, July 29, 2011

Candle lighting at ecumenical prayer tampok sa ika-9 na anibersaryo ng PDEA Bicol


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 29 (PIA) – “A drug-free country, starts with a drug-free family!

Ito ang mariing pahayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Agent Fidel Son kaugnay ng ika-siyam na taong pagdiriwang ng anibersaryo ng PDEA sa rehiyon ng Bicol, ngayong araw, Hulyo 29, 2011.

Kaugnay nito hinikayat ni Son ang lahat ng mga residente at kasapi ng mga pamilya na makiisa at suportahan ang kanilang candle lighting at ecumenical prayer activity na tinagurian nilang “Light for a drug-free Bicol”.

Gagawin ang pangrehiyong aktibidad na ito alas-syete y medya mamayang gabi sa mga lansangan mula sa pantalan ng Matnog, Sorsogon hanggang sa Camarines Norte, kasama din ang mga islang lalawigan ng Catanduanes at Masbate pati na ang isla ng Ticao at Burias.

Ayon pa kay Son nakipag-ugnayan na sila sa mga Local Government Units (LGUs), ibang media at mga paaralan para sa mga mangangasiwa sa nasabing aktibidad.

Ang mga sisindihang ilaw at gagawing panalangin diumano ang sisimbolo sa pagkakamulat at paghingi ng interbensyon sa Panginoon na gabayan ang bawat kasapi ng pamilya at mga indibidwal tungo sa pagtuldok sa mga kasamaang dulot ng paggamit ng ilegal na droga. Ito rin ang huhudyat sa pagsisimula ng isang komunidad na ligtas sa droga o drug-free community.

Ang lahat ng mga makikilahok ay pinapayuhang pumunta lamang sa mga kalsadang pinakamapalapit sa kanilang lugar upang doon magsindi ng ilaw, alas-syete y medya mamayang gabi. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment