Wednesday, July 6, 2011

Disaster Contingency Plan mahalaga sa pagsalba ng buhay

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 5 (PIA) – Kaugnay ng ginagawang pagrepaso ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), nagpapatuloy ngayon ang Provincial Disaster Risk Management Council (PDRRMC) ng Sorsogon sa pagsubaybay sa mga lokal na yunit ng pamahalaan dito upang maayos na makagawa ng Contigency Plan hindi lamang ang mga munisipalidad kundi maging ang mga barangay.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO) OIC Head Jose Lopez, ang naganap na trahedya sa Davao City ay isang pagtitiyak na mahalagang naisasa-alang–alang ang paggawa ng ‘rain monitoring’ at mabatid ang dami ng tubig-ulan na naiipon sa isang lugar.

Mahalaga din diumano na mayroong umiiral na ‘alert level’ sa isang lugar, sapagkat kahit walang kaukulang babala ay maaaring magsagawa ng desisyon ang mga residente tulad ng ‘voluntary evacuation’ para sa kanilang kaligtasan.

Dagdag pa ni Lopez na napakahalaga din ng ‘risk mapping’ upang matukoy ang mga lugar na nasa panganib at ang pagkakaroon ng disaster plan na maaaring pagbasehan ng mga tagapagligtas sa gagawin nilang ‘disaster operations’.

Sa bagong pinaiiral na Disaster Risk Reduction Management Act of 2010 (R.A. 10121), bagama’t hindi nito isinasantabi ang pagtugon sa mga biktima ng kalamidad, mas binibigyang diin sa ngayon ang kahandaan ng mga mamamayan upang mabawasan ang epekto ng mga hindi inaasahang sakuna.

Kaugnay nito, umaasa siyang pagtutuunan ng mahalagang pansin ng mga Municipal at Barangay DRRMC ang pagbuo ng kanilang Contingency Plan sa lalong madaling panahon upang makamit pa rin ang kanilang ninanais na maging zero casualty ang Sorsogon sa oras na nagkakaroon ng kalamidad. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment