Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 15 (PIA) – Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sorsogon 2nd District Engineer Juanito Alamar na mahigpit na ipatutupad ng kanilang tanggapan sa ilalim ng kanyang pamumuno ang mga hakbang upang makatipid ang pamahalaan sa paggamit ng enerhiya.
Ang hakbang sa pagtitipid sa enerhiya o DPWH-S2DEO Energy Conservation Plan ay isa sa mga pangunahing programa ni Alamar bilang tugon na rin sa ipinalabas na Austerity Directive ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sa ipinalabas na kautusan ni Alamar, ipapatupad sa DPWH Sorsogon 2nd District Engineering Office ang pagpatay ng kuryente sa oras ng tanghalian o lunch break mula alas-dose ng tanghali hanggang ala-una ng hapon.
Sinabi ni Alamar na ang ginagawa nilang pagtitipid na ito sa kuryente ay bilang pakikiisa rin sa pagpapababa ng karbon na inilalabas ng mundo sanhi na rin ng iba’t-ibang aktibidad ng mga tao at kontribusyon din nila upang gawing malinis ang planetang ating ginagalawan.
At upang patunayang seryoso siya sa kaniyang adhikain, siya mismo ang pumapatay sa mga gadyet at aparatong kumukunsumo ng kuryente sa loob ng kanyang tanggapan kabilang na ang air-con.
Umaasa siyang sa pamamagitan ng pagiging halimbawa ay kusang-loob na ring susunod ang lahat ng mga tauhan ng DPWH. (Harry Deri, DPWHS2DEO/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment