Wednesday, July 6, 2011

Imbestigasyon sa ‘Pajero issue’ hindi pinapaboran ng Obispo ng Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 6 (PIA) – Hindi pinapaboran ni Sorsogon Bishop Arturo M. Bastes ang balak ng mga lehislador na paimbestigahan ang ilang mga obispo at kaparian sa bansa ukol Pajero controversy.

Ang pahayag ay ginawa matapos lumabas ang eskandalong kinasasangkutan ng pitong obispo at pari na diumano’y tumanggap ng sasakyan mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong panahon ng kanyang termino gamit ang pondo ng Philippine Charity Sweepstakes (PCSO).

Ayon kay Bastes, overkill at hindi angkop ang binabalak na hakbang ng mga lehislador. Mas dapat diumanong bigyan ng atensyon ng pamahalaan ang imbestigasyon sa mga opisyal na sabit sa korapsyon kaysa mga obispo na hindi naman talagang tumanggap ng pera mula sa pamahalaan.

Mas dapat din diumanong pag-tuunan na lamang ng pansin ng pamahalaan ang pagbuo ng mga istratehiyang makakatulong sa pagpapa-angat ng ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng mga Pilipino.

Matatandaang isa sa isinasangkot sa kontrobersiya si dating Malacanang Palace chaplain Msgr. Augusto Laban na isang taga-Sorsogon. Mariin ding itinanggi ni Bastes na sangkot siya sa nasabing isyu. (PIA Sorsogon)
      

No comments:

Post a Comment