Friday, July 1, 2011

Intercropping ipinanawagan ng PCA sa mga cocoteros

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 1 (PIA) – Nanawagan ngayon ang Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga magsasaka ng niyog dito sa Sorsogon na i-aplay ng mga ito ang sistema ng intercropping sa kanilang mga lupang taniman ng niyog.

Sinabi ni PCA Sorsogon Agriculturist II Romeo Brutamante na mahalaga ang ganitong sistema ng pagtatanim upang higit na maging produktibo ang lupa at mapataas pa ang produksyon ng kanilang ani.

Sinabi rin niya na wala itong epekto sa mga niyog at iba pang uri ng pananim lalo’t kung nasusunod naman ang tamang distansya ng bawat isa, kung kayat hindi dapat mabahala ang mga cocoteros na ipatupad ang ganitong sistema.

Ang intercropping ay isang pamamaraan ng pagtatanim ng dalawa o mas marami pang uri ng pananim sa halip na isahang uri lamang upang higit na makakuha ng malaking ani mula sa isang partikular na lupain.

Ilan sa mga pananim na maaaring gamitin ng mga cocoteros sa kanilang intercropping ay saging, pinya, luya at mabubutong gulay tulad ng sitaw at monggo.

Sinabi ni Brutamante na malaking tulong ang ganitong sistema ngayon lalo pa’t tumataas ang pangangailangan sa produktong agrikultural at pagtaas ng halaga ng mga bilihin. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment