Friday, July 8, 2011

Magandang ekonomiya ng Bikol nananatili - NEDA

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 7 (PIA) – Kinumpirma ni Assistant Regional Director Engr. Luis Banua ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nananatiling maganda ang takbo ng ekonomiya sa buong rehiyon ng Bikol sa kabila ng mga nararanasang kalamidad.

Maliban sa pagiging “Agriculture Economy” ng Bicol, inilatag din ni Banua ang ilan pang mga indikasyong kakikitaan ng pagkakaroon ng sustenableng ekonomiya.

Mahalaga aniya ang inflation rate kung saan dapat na mayroong balanseng suplay ng mga produkto ayon sa pangangailangan ng mga mamamayan, consumer price index, purchasing power ng piso, employment rate kung saan sinabi ni Banua na mas maraming trabaho, mas mainam, sustenableng turismo, manufacturing at mataas na Gross Regional Domestic Product.

Binigyang-diin nito ang pagkakaroon ng mababang poverty incidence na mahalagang sangkap din sa pagkakaroon ng sustenableng ekonomiya.

Samantala, sinabi ni Banua na lahat ng mga programang ginagawa ngayon ng rehiyon ay nakabase pa rin sa pagkakaroon ng “Sustainable Development”.

At isa umano ang NEDA sa mga ahensya ng pamahalaan na katuwang sa paglatag ng Regional Development Plan nang sa gayon ay mabigyang-tugon ang kahirapan at iba pang developmental issues na kinakaharap ng buong rehiyon.

Dagdag pa ni Banua na sa ngayon ay pinagsisikapan ng lahat ng ahensya ng pamahalaan na makapagbigay ng mga solusyon sa nararanasang kahirapan habang doble kayod naman ang Department of Agriculture upang makabawi sa mga pinsalang idinulot ng mga nagdaang kalamidad.

Bnigyang-diin din ni Banua ang kahalagahan ng pagsasanib pwersa o convergence ng mga ahensya ng pamahalaan at pakikipagtulungan din nito sa mga pribadong organisasyon o institusyon upang matugunan ang mga isyu sa komunidad. (HBinaya/PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment