Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 4 (PIA) – Iba-iba ang naging reaksyon ng mga Sorsoganon sa naging pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang ‘Ulat sa Bayan’ noong Huwebes.
Ilan sa mga ito ang nagsabing kuntento at kumbisido sila sa mga nagawa nito sa unang taon ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo lalo na pagdating sa integridad at sinsiredad nito sa pagtahak sa tuwid na landas. Pinuri din ng ilan, lalo na yaong mga nakabenipisyo, ang ilang hakbangin ng kasalukuyang administrasyon partikular na ang 4Ps at pangkalusugang programa nito.
Habang ilan naman ang nagsabing hindi sila kumbinsido sa paraan ng pamamahala ng Pangulo dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa malinaw ang konkretong plano nito sa pagtugon sa pangangailangan ng bansa.
Iminungkahi din ng ilang sektor na mas makakabuting pagtuunan na lamang ng pansin ng Pangulo ang pagpapalago pa sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay trabaho sa mga Pilipino, pagpapaigting pa ng kampanya laban sa korapsyon, pagbuo ng mga epektibong paraan sa patuloy na paglobo ng populasyon, pagpigil sa patuloy na pagtaas pa ng halaga ng mga produktong petrolyo at pagpapataas pa ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Dagdag pa ng mga ito na sa halip na paulit-ulit na magpasaring at magbatikos sa nakaraang administrasyon, mas makabubuting punan na lamang ang mga naging kakulangan, sapagkat hindi ito makakatulong kung talagang ninanais niyang magkaroon ng magandang imahe at pagkakakilanlan ang bansang Pilipinas. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment