Friday, August 19, 2011

49th IB nagsagawa ng Social Awareness sa Bulan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 19 (PIA) – Naging matagumpay ang ginawang Social Awareness Program ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Brgy. Rangas, Juban, Sorsogon sa mga mag-aaral ng R.G. De Castro College sa bayan ng Bulan, Sorsogon kamakailan.

Ayon kay 2Lt. Elizabeth B. Rosete, tagapagsalita ng 49th IB, naging aktibo ang pakikilahok ng mga mag-aaral sa kanilang aktibidad na naisakatuparan nila sa pamamagitan ng ugnayan ng Civil Military Operations (CMO) officer na si 1Lt Alfie Lee ng 49th IB at Ginoong Edgar Mejia, propesor ng nasabing institusyon.

Humigit-kumulang diumano sa apat na raan ang mga nakilahok kung saan karamihan dito ay mga mag-aaral sa Araling Panlipunan.

Sinabi pa ni Lt. Rosete na naging tampok sa social awareness activity nila ang pgmumulat sa isipan ng mga kabataan sa panlilinlang at istratehiya ng Communist Party of the Philippines (CPP), National Democratic Front (NDF) at New People’s Army (NPA) sa ginagawa nitong pagrerekrut ng mga bagong kasapi at sa panghihikayat nila sa mga kabataan na makilahok sa mga gawaing aktibista at pulitikal.

Samantala, hinikayat naman ni Lt. Lee ang mga mag-aaral na maging mapagmasid at maingat sa pagsali sa iba’t-ibang organisasyong kanilang sinasalihan, upang maiwasan ang masasamang epekto ng pagsali sa mga pailalim na organisasyon o underground movement ng mga rebeldeng grupo. (PA/PIA sorsogon)


No comments:

Post a Comment