Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, August 5 (PIA) – Namahagi kamakailan ang mga tauhan ng Asian Development Bank – Agrarian Reform Community Project Part 2 (ADB-ARCP2) ng mga gamit pangsakahan o farm tools sa mga kasapi ng Agro-Enterprise Development (AED) Committee sa mga bayan ng Bulan, Matnog at Irosin.
Ayon kay Fe Bailon, ARCP2 AED coordinator, malaking tulong ang mga naipamahaging kagamitan upang magamit sa demo farm sa tatlong mga bayang ito. Ang pamimigay ng mga kagamitan ay bahagi pa rin ng pagsusumikap ng pamahalaan na mapataas ang antas ng kabuhayan at pagiging produktibo ng mga agrarian reform beneficiaries.
Sinabi naman ni Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) Roseller Olayres, na sinimulan na rin ng Beneficiary Development Coordinating Division kasama ng Administrative and Finance Division ng Department of Agrarian Reform (DAR) Sorsogon ang pag-dedeliver ng mga kagamitan para sa agarang pagtatayo ng mga demo farm sa bayan ng Matnog, Bulan, Irosin at Castilla.
Matapos ang pamamahagi sa mga bayang ito ay isusunod na rin ang iba pang mga bayan at lungsod sa Sorsogon na benepisyaryo ng ARCP2 sa mga makakatanggap din ng kaparehong mga benepisyo.
Samantala, pinagsusumite naman ng ADB-ARCP2 ang bawat benepisyaryong Local Government Units (LGUs) ng kani-kailang mga comprehensive agrarian reform community development plan bago tuluyang ibigay sa kanila ang pondo para sa kanilang Rural Infrastructure (RI).
Ayon kay PARO OLayres habang hinihintay nila ang agrarian reform community development plan ng mga LGUs ay napagdesisyunan nilang simulan na ang Agro-Enterprise Development (AED) upang kahit papano ay may makita ng epekto ang kanilang mga benepisyaryo.
Matatandaang napagkasunduan ng mga kabilang sa ARCP2 na kung walang rural infrastructure, wala ding Agro-Enterprise Development (AED), subalit mas pinili na rin nila diumanong huwag nang paghintayin pa ang mga benepisyaryo upang magamit na rin nila ito nang wala nang mga kondisyon pang kailangang isa-alang-alang. (AARbolente, DAR/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment