Thursday, August 18, 2011

Healthy Lifestyle, patuloy na ipinanawagan ng PHO


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 18 (PIA) – Sa kabila ng iba’t-ibang mga inilunsad na healthy lifestyle activities ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) ng Sorsogon, patuloy pa rin ang paalala ng PHO sa publiko na sundin at gawin ang Healthy Lifestyle tips.

Ayon kay Vivian Paguio, Health Education Promotion Officer ng PHO dapat na maging maingat lagi ang mga mamamayan at mantinihin ang healthy lifestyle o malusog na uri ng pamumuhay.

Sa tala ng Provincial Health Office sa mga di nakakahawang sakit, kabilang ang Urinary Track Infection (UTI) at Hypertension sa sampung pangunahing sakit ng mga Sorsoganon habang ang Cardio Vascular Disease, Cancer, Bronchial Asthma, Diabetes at Renal Disease naman ang pangunahing sanhi ng kamatayan dito. Aniya, ang mga ito ay pawang healthy lifestyle diseases na maari pa ring maiwasan ng isang tao.

Aniya ang Healthy Lifestyle ay ang pagpapatupad ng mga kaugalian na makakabuti sa kalusugan at pag-iwas sa mga gawaing makakasama sa katawan at kaisipan. Dapat din diumanong gawin ang Healthy Lifestyle simula pagkabata hanggang sa pagtanda.

Ayon kay Paguio, makakatulong kung gumagalaw at regular na mag-eehersisyo, kumain ng healthy diet araw-araw, susubaybayan ang pagtaas ng timbang, iiwasan ang paninigarilyo at mga tension at pagkakaroon ng stress.

Sinabi pa ni Paguio na mabisa din kung regular na magpacheck-up sa doctor o health worker kahit pa walang masamang nararamdaman, at dapat umanong maging matiyaga sapagkat nakasalalay sa personal na disiplina at determinasyon ang pagiging malusog ng isang indibidwal. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment