Wednesday, August 31, 2011

Lamang-dagat mula sa Sorsogon Bay, ligtas pa rin sa red tide

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 31 (PIA) – Ikinatutuwa ng mga mamamayan hindi lamang ng mga nakatira malapit sa Sorsogon Bay kundi sa lahat ng naginginabang ng mga lamang-dagat lalo na ang shellfish dito dahilan sa walang dapat ipangamba sa pagkain ng mga ito.

Ito ay matapos ihayag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Sorsogon Provincial Fishery Officer Gil Ramos na nananatiling ligtas sa Paralytic Shellfish Poisoning sanhi ng red tide ang Sorsogon Bay sa Sorsogon City at Juag Lagoon sa Matnog, Sorsogon.

Batay sa Shellfish Bulletin No 18 na ipinalabas ng BFAR na may petsang Agosto 23, 2011, tanging ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental, Masinloc Bay sa Zambales at Matarinao Bay sa Eastern Samar ang positibo pa rin sa red tide sa ngayon.

Subalit ayon kay Ramos, kahit pa nag-negatibo na sa red tide ng halos limang buwan ang Sorsogon Bay kung saan mas marami ang naginginabang dito kaysa sa Juag Lagoon, nananatili pa rin ang panawagan nila sa publiko na maging alerto at linisin ng mabuti ang mga lamang-dagat na nakukuha mula dito bago kainin.

Higit na doble din diumano ang kanilang pagbabantay ngayong negatibo ito sapagkat anumang oras ay maaaaring muling makontamina ito ng red tide toxin na mapanganib sa kalusugan at buhay ng mga tao.

Samantala, ang may mga tahungan dito ay nakapagsimula na ring makapagtanim ng mga semilya ng tahong at makapag-ani kahit pa nga may kaliitan pa ang mga ito. Dalangin ng lahat dito na nawa’y tuluyan na ngang maglaho ang red tide sa Sorsogon. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment