Monday, August 22, 2011

Mag-aaral ng CTVS nagsagawa ng ESWM training para sa kapwa nila mag-aaral


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 22 (PIA) – Pinatunayan ng Casiguran Technical Vocational School (CTVS) na may malaking maiaambag ang mga mag-aaral sa tama at epektibong pamamahala ng mga basura.

Ito ay matapos na pangunahan ng mga kasapi ng School Science Club ng CTVS ang isang pagsasanay ukol sa Effective Solid Waste Management (ESWM) na dinaluhan ng kapwa nila mga mag-aaral sa pakikipagtulungan sa Provincial Environment and Natural Resources Office – Local Government Unit (PENRO-LGU).

Tinaguriang Public Understanding of Science, Technology and Environment, layunin ng pagsasanay na gawing simple ang ESWM para sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagpapatibay sa Social Transformation through Environmental Program (STEP) ng CTVS. Isinagawa ang pagsasanay bilang pagkatig na rin sa Casiguran Municipal Solid Waste Management Ordinance No. 03-2010 at sa RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Pinuri naman ni CTVS principal Ramon Estur ang mga kasapi ng Science Club Organization sa ibinahaging tulong nito para maisakatuparan ang ESWM training. Aniya, dapat na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga mag-aaral ukol sa tamang paghihiwa-hiwalay ng mga basura at mabatid ng mga ito ang epekto nito sa kapaligiran lalo pa’t sila na rin ang magiging mga lider ng komunidad sa hinaharap.

Hinikayat din niya ang lahat na tumulong sa pagtataguyod ng proper waste segregation at hinamon niya ang mga mag-aaral na isakatuparan ang mga kaalamang matututunan sa pagsasanay.

Sa ginawang slide presentation, ang kasalukuyang sitwasyon ng solid waste management sa loob ng CTVS campus ay nangangailangan ng tulong teknikal upang maipatupad ng maayos dito ang angkop na paghihiwa-hiwalay at pamamahala ng mga basura.

Kaugnay nito, nagbigay ng sitwasyong lokal ukol sa solid waste management program at nagbahagi ng kanyang kaalaman ukol sa epekto ng climate change si Municipal Information Officer at SWM coordinator Salvador Jao.

Ipinaliwanang naman ng mga kinatawan ng PENRO-LGU ang SWM Heirarchy at Framework of Implementation, uri ng mga basura, 3Rs, mainstreaming ESWM in Schools at Getting Started in ESWM Program Implementation at kung paano ipupursige ang ESWM. 

Nagpakita din ng ilang halimbawa ng mga recycled materials upang matuto ang mga mag-aaral sa paggawa ng mga novelty items na maaari ding pagkakitaan. (VLabalan, SPDRMO/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment