Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, August 2 (PIA) – Nasa ikalawang pagbasa na ngayon sa Sangguniang Panlungsod ang isang resolusyon na nagsusulong sa pag-amyenda sa ilang mga probisyon ng Tricycle Franchising Advisory Council (TAFC) at ang pagbubuo ng mga patakaran sa operasyon ng mga traysikel sa lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay City Councilor Victorino Daria III, may-akda ng isinusulong na Revised Tricycle Franchising Advisory Council Ordinance of Sorsogon City, layunin nitong magkaroon ng mabilis subalit maayos at malinaw na proseso sa pagbibigay at pagsasalin ng mga prangkisa at magkaroon ng sistematikong daloy ng trapiko sa lungsod.
Malinaw na nakasaad sa isinusulong na ordinansa ang komposisyon at papel na ginagampanan ng Sorsogon City Tricycle Franchising Advisory Council tulad halimbawa ng pagtukoy sa optimum na bilang ng mga traysikel na papasada sa tatlong distrito ng lungsod – ang West, East at Bacon District.
Positibo din si Daria na matutuldukan na ang matagal na sakit ng ulo ng mga legal na operator at tsuper dito ukol sa mga namamasadang kolorum na mga traysikel na maliban sa nakakadagdag sa pagsikip ng trapiko ay nagiging kaagaw din ng mga lehitimong namamasada sa dapat ay maging kita pa nila.
Aniya, matutugunan ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng color-coding scheme na aprubado ng Advisory Council at ng pangulo ng Federated Association of Sorsogon Trcycle Operators and Drivers (FASTOD) kung saan dilaw o yellow diumano ang kulay ng mga papasada sa East District, berde o green sa West District at dalandan o orange naman sa Bacon District.
Malinaw ding nakasaad dito ang mga patakarang dapat na sundin ng mga operator lalo na ng mga tsuper sa kanilang operasyon at pamamasada. Maging ang mga ‘service tricycle’ o yaong mga ‘not for hire’ na traysikel ay may malinaw ding regulasyong dapat sundin.
Nakaatang naman sa responsibilidad ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng batas ukol dito sa tulong ng traffic aide na nakadestino sa lugar habang bibigyan naman ang mga tauhan ng Traffic Management Section ng PNP ng mga ‘citation ticket’ para sa mga magiging paglabag ng mga tsuper. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment