Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, August 1 (PIA) – Kaugnay ng pagdami ng bilang ng mga kaso ng human trafficking at iba pang uri ng exploitation sa bansa, muling ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mahalagang papel na ginagampanan ng pamilya at bawat magulang sa kanilang mga anak.
Ayon kay DOLE Sorsogon Provincial Head Imelda Romanillos sa pamilya kadalasang nakaugat ang karamihan sa mga kasong kinakaharap ng lipunan kung kaya’t dapat na sa pamilya magsisimula ang pagtutok sa character development at pangunahing pangangailangan ng mga kasapi nito.
Sa Sorsogon, higit pang pinaigting ng DOLE ang kanilang kampanya at adbokasiya laban sa human trafficking sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng mga pagsasanay at tulong pangkabuhayan sa mga bayang mataas ang potensyal ng kaso ng human trafficking.
Partikular na binigyang prayoridad ng DOLE Sorsogon ang mga lugar na may mga pantalan tulad ng Matnog, Pilar at Bulan na nagsisilbing daanan patungo sa iba’t-ibang panig ng bansa at maging sa labas ng Pilipinas.
Sa tala ng Provincial Social Welfare and Development Office Sorsogon pumapangalawa ang lalawigan ng Sorsogon sa may mataas na bilang ng mga kasong nasakote kaugnay ng human trafficking.
Malaking tulong din ang Visayan Forum na nakabase sa Matnog, Sorsogon upang mapigilan ang paglala pa ng kaso ng human trafficking sa lalawigan.
Samantala, nananatiling aktibo din ang 1343 Action Line, ang anti-human trafficking hotline na inilunsad noong March 15, 2011 ng Inter-Agency Council against Trafficking Advocacy and Communications Committee (IACAT-ADVOCOM) na pinamumunuan ng Commission of Filipinos Overseas (CFO). At simula nang mailunsad ito, libo-libong tawag na rin ang natatanggap nito mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Maaaring ma-akses ang nasabing hotline hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan din sa pamamagitan ng pag-dial ng area code na 02 at ang numerong 1343. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment