Monday, September 12, 2011

BSP National Jamborette sa Sorsogon hindi na matutuloy


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 12 (PIA) – Dahilan sa iba’t-ibang mga sirkumstansya, tuluyan nang idineklara ng tanggapan ng Boy Scout of the Philippines (BSP) Sorsogon Council na hindi na matutuloy ang BSP National Encampment na dapat sana ay gagawin dito sa lalawigan ng Sorsogon ngayong taon.

Ayon kay BSP Sorsogon Council Executive Rene Hayag, matapos silang magsagawa ng ocular inspection sa Brgy. San Isidro, Castilla, Sorsogon kung saan doon sana idaraos ang aktibidad, nakita nila ang mga kakulangang sa tingin nila ay imposible nang agarang matugunan kung ipagpapatuloy pa ang aktibidad ngayong 2011.

Aniya, handa na ang lugar kung ground preparation ang pag-uusapan, subalit kailangan diumanong isa-alang-alang ang kawalan pa rin ng akses ng lugar sa malinis na tubig at hindi pa maayos na akses sa transportasyon patungo sa Camping Site.

Dagdag pa niya na sa ngayon ay walang gaanong kakayahan ang BSP Sorsogon Council na tustusan ang isang national encampment dahilan din sa kakulangan ng pondo ng Sorsogon BSP Council.

Subalit tiniyak naman ni Hayag na hindi man natuloy ngayong taon ay tiyak ding maisasakatuparan ang pagsasagawa dito sa lalawigan ng Sorsogon ng national encampment sa mga susunod na taon lalo na’t hindi ito ang kauna-unahang nakapagsagawa ng kahalintulad na aktibidad ang Sorsogon.

Tiniyak din nitong bago matapos ang taong 2011 ay makapagsasagawa sila ng local Boy Scout Jamborette dito.

Kaugnay nito, hiniling ni Hayag ang tulong lalo na sa aspetong pinansyal ng mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga kakulangang nakita nila nang sa gayon ay matustusan at maging matagumpay ang gagawing mga aktibidad ng BSP Sorsogon. Nanawagan din ito sa publiko na makiisa sa kanilang mga adhikain para sa pagsusulong ng mga kasanayan at ng Vision-Mission ng Boy Scout of the Philippines. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment