Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 8 (PIA) – Nakatakdang magsagawa ng geo-scientific studies ang SKI Construction Group Inc. sa Mt. Bulusan at sa paligid nito bilang bahagi ng pinagtibay na work program sa ilalim ng Department of Energy (DOE) Geothermal Resource Energy Service Contract (GRESCO) No. 2010-01-015.
Kaugnay nito, pina-iigting ngayon ng DOE ang kanilang kampanya para sa Information, Education and Communication (IEC) hanggang sa mga barangay upang maipaliwanang ang layunin ng exploration project na ito.
Sa impormasyong ipinaabot ni Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) Public Information Officer Von Labalan, isinagawa noong Lunes, Setyembre 5, ang isang forum upang pag-usapan ang mga plano, aktibidad at kaukulang paghahanda para sa proyekto sa panahon ng pagpapatupad nito.
Ayon sa SKI, nasa exploration stage pa lamang sila at wala pa sa development phase ng proyekto, kung kaya’t napakahalaga umanong magkaroon muna ng mga konsultasyon ukol dito.
Ipinaliwanag ng SKI ang layunin nilang magsasagawa ng pagsasaliksik para sa mga potensyal na geo-resources sa Mt. Bulusan, magtatag ng renewable resources, pagbutihin ang lokal na ekonomiya, lumikha ng trabaho at magbigay ng pinakamahusay na kasanayan o best practices sa lugar. Makakabenipisyo rin dito ng pang-matagalang suplay ng elektrisidad, turismo at revenue share ang mga Local Government Units (LGUs) na masasakop nito.
Ayon pa sa SKI, habang nasa pre-development stage pa lamang ang proyekto ay magsasagawa muna sila ng data review, geochemical sampling, geophysical investigation, data evaluation, resource assessment at exploration drilling.
Binigyang diin ng SKI na “high risk” din para sa kanila ang isasagawang pagsasaliksik dahil sa pagiging aktibo ng Mt. Bulusan kung kaya’t tinagurian nilang isang “investment risk” ang proyekto.
Kailangan ding magkaroon muna ng pagtaya (assessment) at suriin ang mga kaukulang hakbang na dapat gawin upang maiwasan ang posibleng panganib na idudulot nito sa kalikasan at sa buhay ng mga tao.
Ipinaliwanag din ng SKI ang kanilang project commitment kung saan tinitiyak nila ang pagkakaroon ng sustainable development at pagiging technology-friendly ng isasagawa nilang hakbangin sa ilalim ng P.D. 1586/IRR 2003-30 at MC14-2010.
Samantala, umaaasa naman si Sorsogon Governor Raul R. Lee na magtutuloy-tuloy na ang exploration project at nangakong magiging bukas siya sa mga ideya at mungkahi mula sa mga stakeholders, sapagkat naniniwala umano siyang hindi suliranin ang isyu sa exploration project lalo kung isasa-alang-alang ang kakulangan ngayon ng mapagkukunan ng enerhiya ng bansa. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment