Thursday, September 22, 2011

Casiguran gymnasium pinasinayaan na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 22 (PIA) – Pinasinayaan  na ala-una ng hapon kahapon ang bagong Gymnasium sa bayan ng Casiguran, Sorsogon.

Ang Casiguran Gymnasium na may 6,000 sitting capacity ang pinakamalaking gymnasium sa lalawigan ngayon.

Ayon kay Casiguran Municipal Councilor Rico Hatoc, ipinasa niya ang isang resolusyon para sa konstruksyon ng gymnasium noong December 16, 2010 na tutuon hindi lamang sa pagiging profit-oriented nito kundi bilang isang service-oriented building. “Ang pagkakapasa ng ordinansa ang siyang sasagot para sa maintenance expenses ng gymnasium tulad ng bayaran sa tubig, kuryente at maintenance personnel nito,” sabi pa ni Hatoc.

Sa pagsisimula ng proyekto, marami ang nagsabing masyadong ambisyoso ang proyekto para sa isang 3rd class municipality na tulad ng Casiguran, subalit pinatunayan ni Casiguran Mayor Ma. Ester A. Hamor na sa pamamagitan ng ‘strong political will’ at ‘development priorities’ ng mga lider sa kanilang bayan ay walang imposible sa kanilang naging balak.

Ayon kay Mayor Hamor ang P33 milyong proyektong ito ay dinisenyo para sa mga aktibidad pang-isports, convention/seminar, cultural show/stage play, charitable/religious activities, konsyerto, school activities, evacuation center sa panahong may kalamidad at iba pang mga malalaking kaganapan.

Abot kayang halaga lamang din diumano ang sisingilin bawat oras para sa mga ganitong uri ng aktibidad subalit magiging libre ito para sa lahat ng mga aktibidad ng Sangguniang Kabataan (SK) sa kondisyong dapat na may permit ito ng alkalde ng Casiguran.

Bubuksan din ang gymnasium sa mga araw ng Sabado at Linggo mula alas-sais hanggang alas dyes ng umaga ekslusibo sa publiko at walang ibang aktibidad na iiiskedyul sa mga araw at oras na ito.

Ang mga uupa sa gymnasium ay direktang magbabayad sa Municipal Treasurer’s Office (MTO) ng mas maaga sa nakatakdang iskedyul ng aktibidad at ang malilikom na halaga mula sa mga upa ay idedeposito naman ng MTO sa General Fund.

Labis namang ipinagmamalaki ng mga Casiguranon ang pagkakatayo ng bagong gymnasium at umaasa rin silang mapapangalagaan ito upang mas marami ang makabiyaya dito. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment