Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 14 (PIA) – Pinoproseso na sa ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) regional office V ang pagrepaso sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaan Bayan ng Pilar (LGU-Pilar) at Pilar Jeong Sol Green Technology Limited (PJSGTL), isang negosyanteng Koreano, para sa mga posibleng komento nito ukol sa pagtatayo ng isang Integrated Sanitary Landfill (ISL) at Material Recovery Facility (MRF) sa Pilar, Sorsogon.
Ayon kay Pilar Mayor Dennis Sy-Reyes, ang hakbang na ito ay bilang tugon sa rekisitos ng DENR sa mga LGU na dapat magkaroon ng ISL at MRF sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Philippine Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sa MOA, ang PJSGTL ang siyang mamamahala sa disenyo at sasagot sa gastusin sa pagtatayo ng ISL at MRF habang ang LGU-Pilar ang maghahanap ng 30 ektaryang lupang pagtatayuan nito.
Ayon sa MOA, papayagan ding magdala ng mga scrap material mula sa ibang bansa na ipoproseso sa MRF at ie-export sa labas ng bansa subalit malinaw na nakasaad sa MOA na bawal itapon dito ang mga nakakalasong basura at mga basurang mula sa klinika, laboratoryo, ospital at iba pang kahalintulad na pinagmulan.
Dalawampu’t limang taon diumano ang magiging kasunduan at ang labinlimang porsyento ng kabuuang kita mula dito ay mapupunta sa host LGU, para sa karagdagang trabaho at pagtitiyak na mapoprotektahan ang kapaligiran. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment