Friday, September 23, 2011

Mga rebeldeng NPA muling nagsagawa ng opensiba sa mga sundalo


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 23 (PIA) – Matapos ang naganap na engkwentro sa pagitan ng mga pinaghihinalaang rebeldeng New Peoples Army (NPA) at mga militar kahapon, nag-iwan ito ng isang patay at anim na sugatan sa panig ng mga militar.

Ayon kay Major Angelo Guzman, tagapagsalita ng 9th ID, tinambangan ng mahigit-kumulang sa dalawampung rebeldeng NPA sa Brgy. Cadandanan, Bulan, Sorsogon dakong alas-nuwebe y medya ng umaga kahapon, Setyembre 22, ang mga sundalo habang lulan ang mga ito ng km450 truck sa pamumuno ni Cpl. Gerald Go para sa Interdiction Operation.

Nagawang makapanlaban ang mga sundalo sa tatlumpung minutong palitan ng putok, subalit nagbunga pa rin ito ng isang patay at anim na sugatan sa kanilang panig.

Agad na isinugod sa Irosin District Hospital at kalaunan ay inilipat sa Sorsogon Doctor’s Hospital ang mga sugatan na sina Cpl. Gerald Go, PFC  Ronald Cellorico, PFC Macsil Basbas, PFC Edwin Padi, PFC Rodolfo  Fortunado at PFC Jervie Micarandayo, habang ang bangkay naman PFC Julius Rodriguez ay dinala sa morgue ng Irosin District Hospital.

Bago ang engkwentro sa Bulan ay una nang nagkaroon ng engkwentro dakong alas-sais ng umaga kahapon din sa Brgy. Bacalon, Magallanes, Sorsogon. Nakaengkwentro ng mga sundalo sa pamumuno ni Lt. Clint Antipala ng 93rd Reconnaissance Company ang mahigit-kumulang sa dalawampung pinaghihinalaang NPA. Narekober sa mga NPA ang isang kalibre 45 baril at mga subersibong dokumento sa sampung minutong palitan ng putok.

Makalipas ang sampung minuto, muling nakaenkwentro ng mga sundalo ng 49th IB sa pamumuno ni Lt. Anthony Lina ang sampung mga rebelde sa kaparehong lugar sa Brgy. Bacalon, Magallanes, Sorsogon.

Nagbigay na ng kaukulang tulong ang 9ID para sa mga nasugatang sundalo at benepisyo sa namatay namang sundalo.

Patuloy pa rin sa ngayon ang pagtugis ng mga militar sa mga nagsitakas na mga rebelde.

Samantala, sinabi ni Col. Felix Castro, Jr. 903rd Brigade Commander, noong Martes, Sept 20, ay napag-alaman na nilang may balak sabotahehin ng mga rebelde ang pagbisita ni Armed Forces of the Philippine (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Oban, Jr. sa ginanap na inaguguration  ng school building sa Brgy. Pandan, Castilla, Sorsogon.

Subalit dahil sa higpit ng seguridad, hindi nakatawid sa dagat ang mga rebelde at nabigong makapasagawa ng pag-atake. (49th IB, PA/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment