Wednesday, September 7, 2011

Sistema sa mabilisang pagtatasa sa lagay ng panahon, pinatataas pa ang antas


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 7 (PIA) – Patuloy pa rin ang pagsisikap ng pamahalaan sa tulong ng iba’t-ibang mga organisasyon, na mapataas pa ang antas ng pagsubaybay sa mga pagbabago ng panahon upang makaiwas o mabawasan ang epekto ng anumang kalamidad na tatama sa Pilipinas.

Ito ang napag-alaman mula sa pamunuan ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office sa ipinadalang press statement nito sa Philippine Information Agency Sorsogon.

Kasama na dito diumano ang pagtatatag ng sistemang tinatawag na PREDICT o Philippine Real-Time Environment Data Acquisition and Interpretation for Climate-Related Tragedy Prevention and Mitigation na may kakayahang makapaghatid ng real time data o datos ng aktuwal na kaganapan sa ating kapaligiran.

Layon ng PREDICT na dagdagan pa ang umiiral na kakayahan ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Administration (PAGASA) sa pagsubaybay sa lagay ng panahon. Binubuo ito ng mga automatic weather station network kung saan, batay sa mga nakakalap na obserbasyon ay ibinabato nito ang naiipon na datos sa isang central server sa pamamagitan ng cellular network.

Autimatic warning System (photo: SPDRMO)
Kasama rin sa proyektong ito ang disenyo at produksyon ng Automated Weather Station (AWS) units, pagbuo ng server software, at paglagay ng AWS units sa mga piling lugar.

Gamit ang natatanging instrumento, masasagap nito ang iba’t ibang kinakailangang basehan ng pagtukoy sa lagay ng panahon tulad ng temperature, pressure, humidity, wind direction, wind speed, at rainfall. May nakakabit din na GSM/GPRS modem sa naturang instrumento upang magpadala ng datos sa central server nito.

Ang makakalap na impormasyon ukol sa mga nangyayari sa kapaligiran ay iipunin ng AWS unit mula sa isang lugar at gagamitin sa pagtaya ng lagay ng panahon at sa aktuwal na pagsubaybay na gagawin nito (real-time environmental monitoring).

Naisakatuparan ang proyektong ito sa tulong ng Asti Embedded Systems Group, isang grupo na naglalayong makabuo ng isang pang-malayuan subalit aktuwal na sistema ng pagkalap ng agricultural meteorological data sa buong Pilipinas.

Ito diumano ang tutulong upang makaiwas o mabawasan ang epekto ng anumang kalamidad kaugnay ng lagay ng panahon, gayundin ang pagbigay ng kaukulang impormasyon na aagapay sa mga magsasaka upang palakihin ang produksyon ng kanilang mga pananim, at upang makipagtulungan sa mga institusyong tulad ng PAGASA, National Disaster Risk Reduction and Management Councils, at PHILRICE. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment