Thursday, September 29, 2011

Sundalo inatake ng mga rebelde habang abala sa pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyong “Pedring”


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 28 (PIA) – Sinamantala ng mga pinaghihinalaang rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang mga sundalo habang abala ang mga ito sa pagtugon sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong “Pedring” makaraang paputukan ng mga rebelde ang kampo ng Philippine Army sa Brgy. San Isidro sa bayan ng Bulan, Sorsogon dakong alas 4:15 ng hapon kahapon, Setyembre 27.

Sa ulat na ipinadala ng 49th Infantry Brigade (IB), mahigit-kumulang sa sampung mga rebelde ang nagpaulan ng bala sa temporay command post ng Alpha Company ng 49th IB na nakabase sa Brgy. San Isidro, Bulan, Sorsogon.

Ayon kay Lt. Col. Neneveigh Alcovindas, commanding officer ng Civil Military Operation  Battalion, ang mga sundalo ay ipinadala sa lugar upang magbigay ng kaukulang tulong sa mga naapektuhan ng pagdaan ng bagyong Pedring.

Wala namang naiulat na nasugatan sa limang minutong palitan ng putok ng magkabilang panig.

Kinondena naman ng mga residente ang ginawang pag-atakeng ito ng mga NPA na naghatid ng pagkatakot sa kanila at nakadagdag pa sa traumang naranasan matapos na hagupitin ng bagyo ang rehiyon ng Bikol.

Nanawagan si Alcovindas sa mga rebelde na mas mabuting makiisa na lamang ang mga ito sa pagtulong sa mga naaapektuhan ng bagyo sa halip na maghasik ng mga kaguluhan.

Kaagad namang nagpalabas ng kautusan si Division Commander Maj. Gen. Josue Gaverza, Jr. na ipagpatuloy pa ng mga sundalo ang pagbigay ng tulong sa mga apektadong residente sa kabila ng ginawang pag-atake ng mga rebelde. (49th IB, PA/PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment