Wednesday, October 12, 2011

Broadcasters’ Awards of Excellence sa Sorsogon naging matagumpay


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 12 (PIA) – Pormal subalit naging makulay at matagumpay ang kauna-unahang Sorsogon Broadcasters’ Awards of Excellence na ginawa dito kagabi sa pangunguna ng Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) Sorsogon Chapter.

Pinakamaraming nakuhang parangal sa radyo kasama ang individual category ay ang DZGN–FM ng God News Foundation kung saan nakaipon ito ng labing-apat na parangal, anim naman ang naipon ng DZMS–AM ng Philippine Broadcasting Network habang tig-isa naman sa DZRS–AM ng Radyo Serbisyo Network at DWOL–FM .

Kapwa naman nakatanggap ng tig-anim na parangal ang DWCB TV 11 ng Good News Foundation at AITV5 ng Aemilianum Broadcasting Network.

Nahirang naman bilang Best Public Service Program sa radyo at television ang Sararo Sarabay ng Sorsogon City–LGU. Ang Best Public Service Program ay ekslusibong kategorya para sa mga blocktime program ng pamahalaan.

Nakatanggap ng plake ng komendasyon ang lahat ng mga nanalo habang nakatanggap naman ng karagdagang gift certificate, special package at cash award ang ilang mga piling parangal tulad ng Best Educational Program Host na nakuha ni Dra. Liduvina Dorion ng DZGN-FM, Best Radio Personality of the Year na nakuha ni Vincent “Spy 22” Loreno ng DZRS-AM at Best TV Personality of the Year na nakuha naman ni Fr. Abe Arganiosa ng AITV5.

Napiling Best AM station ang DZMS, Best FM station ang DWOL, Best TV station ang AITV5 habang tinanghal namang Broadcaster of the Year si KBP Sorsogon Chapter President at DZMS station manager Andy Espinar.

Binigyan din ng Posthumous Excellence Award for Broadcast si Jorge Arcilla, ang nagtatag ng DWOL- FM at Lifetime Award of Excellence si Bishop Emiritus Jesus Y. Varela, ang nasa likod ng pagpalaganap ng Catholic Mass Media sa Sorsogon.

Samantala, sa mensahe ni KBP Sorsogon Chapter President Andy Espinar, sinabi nitong naging inspirasyon nila ang ‘Public-Private Partnership: Going Beyond’ na tema ng Kasanggayahan Festival ngayong taon kung kaya’t naisakatuparan ang kauna-unahang Broadcasters’ Awards of Excellence.

Pinuri naman ni Sorsoganon Kita, Inc. President Mitch Sulit ang hakbang na ginawa ng KBP kung saan maihahanay na din umano ito sa marami nang mga kauna-unahang nagawa sa lalawigan ng Sorsogon. Umaasa din silang magtutuloy-tuloy pa ang aktibidad na ito hanggang sa mga susunod na taon upang higit na mapataas pa ang kalidad ng serbisyo publiko ng mga mamamahayag sa radio at telebisyon sa lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment