Tuesday, October 25, 2011

Mahalagang papel ng kabataan tampok sa Youth Empowerment Summit


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 25 (PIA) – Matagumpay na natapos ang dalawang araw na Youth Empowerment Summit na sinimulan noong Linggo, Oktubre 23 kung saan aabot sa isanglibong mga kabataan ang nakilahok mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ng Sorsogon.

May temang “We can Lead, We will Lead, We will Serve the Church, Community and Environment”, ang aktibidad ay pinangunahan ng Sangguniang Kabataan Sorsogon Provincial Federation.

Ayon kay SK Provincial Federation President Patrick Rodrigueza, base sa bilang ng mga lumahok at naging partisipasyon ng mga ito matagumpay nilang nakamit ang kanilang layuning maitaas ang kamalayan ng mga kabataang Sorsoganon ukol sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa simbahan, sa komunidad at sa kapaligiran.

Sa unang araw, sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng isang Youth Shout Out Parade at isang misa bago isinagawa ang empowerment assembly at maikling programa.

Unang tinalakay ang papel ng kabataan sa komunidad kung saan naging tagapagsalita si Engr. Ryan L. Fernandez, aktibong lider ng kabataan at guro ng Bicol University.

Tinalakay naman ni Msr. Francisco Monje, Episcopal Vicar at Vicariate ng St. Anthony of Padua Parish, ang papel ng kabataan sa simbahan, at ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol Regional Executive Director Joselin Marcus E. Fragada ang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa kapaligiran.

Natapos ang unang araw sa pamamagitan ng Youth Shout Out Cultural Night na ginawa sa Balogo Sports Complex.

Samantala, sa kabila ng napakalas na pag-uulan kahapon, hindi ito nakahadlang upang maisagawa ang Summit for Change kung saan ibinigay ni Sorsogon City SK Federation President Noel P. Dreu IV ang Youth Report at ang President’s Report ni SK Provincial Federation President Patrick Rodrigueza.

Nagbigay din ito ng pagkakataon upang maihayag ng mga kabataan ang kanilang mga saloobin at isyu at makabuo ng mga angkop na solusyon para matugunan ang mga isyung ito.

Matapos ang Solidarity Lunch ay nagkaroon ng Youth Forum at naging laman naman ng talakayan ang mga sumusunod: Volunteerism and Initiative: the Virtue of Service na tinalakay ni Ginoong Edgar Balasta, administrator ng CCDI, Sorsogon City; Responsiveness and Competence: the Virtue of Leadership na tinalakay naman ni Ginoong Jonathan Jaime Guerrero, dating student trustee ng Sorsogon State College.

Nagtapos ang Youth Empowerment Summit sa pamamagitan ng isang konsyetro sa pangunguna ng ng Rodrigueza Band at iba pang mga lokal na banda ng mga Kabataan dito. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment