Monday, October 10, 2011

NEDA at Provincial-LGU magkatuwang sa pagpapaigting ng kapasidad ng bansa na makaantabay sa pagbabago ng panahon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 10 (PIA) – Bilang isa sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan na nagpapatupad ng Millenium Development Goal Fund 1656: Joint Programme (MDGF – JP) upang mapaigting ang kapasidad ng bansa na makaayon sa pagbabago ng panahon, magsasagawa ang National Economic Development Authority (NEDA) sa pakikiisa ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon ng isang roll-out capacity assessment sa darating na ika-13 ng Oktubre ngayong taon.

Layon nitong makagawa ng kaukulang hakbang pagdating sa kapasidad ng pamahalaang probinsyal at katumbas na institusyon nito sa pagbuo at pagpapatupad ng climate change adaptation partikular sa proseso ng pagpaplano ng pamahalaang probinsyal.

Sa ilalim ng MDG-F JP na bahagi ng Capacity Development, ginagawa ngayon ng NEDA ang Capacity Assessment (CA) para sa Climate Change Adaptation ng mga Local Government Units (LGUs) ng lalawigan.

Ang adhikain ng capacity assessment ay upang maitaas pa ang capacity development needs ng mga target na institusyon ng pamahalaan kaugnay ng kani-kanilang mga papel na ginagampanan at mga responsibilidad pagdating sa Climate Change Adaptation (CCA) at Disaster Risk Reduction (DRR) alinsunod sa kanilang mga mandato. Sa pamamagitan ng capacity assessment na ito, makikita ang teknikal at praktikal na kapasidad pagdating sa CCA sa tatlong lebel nito: ang policy, organizational at individual level.

Darating ang mga kinatawan ng MDGF 1656, NEDA regional office upang siyang manguna at mangasiwa sa gagawing capacity assessment sa pakikiisa nito sa Provincial Management Office at mga bumubuo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)

Dadaluhan din ang nasabing aktibidad ng mga kinatawan ng Climate Change Office ng lungsod ng Sorsogon at ng mga Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng labing-apat na munisipalidad at isang lungsod ng Sorsogon. (VLabalan/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment