Monday, October 31, 2011

Pantomina sa Tinampo’ tampok sa pagtatapos ng Kasanggayahan Festival 2011


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 31 (PIA) – Naging makulay at matagumpay ang ginawang ‘Pantomina sa Tinampo’ kahapon na isa sa mga pinakatampok na aktibidad ng Kasanggayahan Festival ngayong taon.

Ito rin ang nagsilbing hudyat ng pagtatapos ng Kasanggayahan Festival 2011 kung saan dinagsa ito ng mga manonood.

Labing-isang Local Government Unit (LGU) ang lumahok at nagpakita ng suporta sa ginawang ‘Pantomina sa Tinampo’ kung saan ang mga mananayaw ay binuo ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan, mga guro, Kabataan, senior citizen, women’s organization, pederasyon ng mga mag-asawa at iba’t-ibang mga sektor ng komunidad. Dalawang lahok naman ang mula sa bayan ng Castilla, isa sa municipal LGU at isa barangay ng Macalaya. Ang bayan din ng kastilla ang may pinakamaraming bilang ng mga lumahok na mananayaw.

Nagbigay ng karagdagang sigla sa mga manonood ang exhibition na ipinakita ng mga LGU particular ang Castillla, Pto. Diaz at Magallanes maliban pa sa pantominang sayaw.

Taliwas sa unang plano na “Sinakiki” dance step ang gagamitin, muling napagkaisahang gamiting muli ang Pantomina Mayor. Ayon kay Castilla Municipal Councilor at coordinator sa Pantomina sa Tinampo Joseph Eutiquio Daraman, may mga kunsiderasyon pang kailangan bago gawing opisyal na gawing dance step ang “Sinakiki”, isang uri ng pantomina dance step  na umano’y nagmula sa bayan ng Gubat. Matatandaang may dalawang bersyon ang pantominang isinasayaw dito sa Sorsogon, ang Pantomina Mayor at Pantomina Minor.

Pagandahan din ng mga arko ang mga LGU at halos lahat ay may pares ng ikinasal at litson. Tipikal na kasalan sa baryo ang ipinakita ng ginawang ‘Pantomina sa Tinampo’.

Ayon sa mga lumahok sa pantomina, halos ay dalawang lingo hanggang isang buwan ang ginawa nilang pagsasanay upang maperpekto ang sayaw na pantomina na ipinalabas nila ngayon.

Kasama ring ipinarada ang Miss Kasanggayahan 2011 kung saan mayroon din itong hiwalay na float.

Naroroon din si Senator Francis “Chiz” Escudero kasama ang dalawang anak nito upang sa muli ay magbigay ng buong suporta sa pagtatapos ng Kasanggayahan Festival 2011. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment