Friday, October 21, 2011

VP Binay bumisita sa Sorsogon

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 20 (PIA) – Pinangunahan noong Miyerkules ng pangalawa sa pinakamakapangyarihang personalidad sa Pilipinas na si Bise Presidente Jejomar Binay ang pagpapasinaya sa automated weather station (AWS) ng lungsod ng Sorsogon.

Ang nasabing automated weather station ang pangalawang AWS na inilagay sa lalawigan kung saan tanging ang lungsod ng Sorsogon at bayan ng Barcelona pa lamang ang mayroon nito. Makakatulong ang nasabing AWS upang dalawampu’t-apat na oras na masubaybayan ang lagay ng panahon at malaman kung anong uri ng paghahanda ang dapat gawin ng lokal na pamahalaan at mga residente sa tuwing may kalamidad.

Pinangunahan din ni VP Binay ang pagpapasinaya at paggawad ng ilang libre subalit disenteng pabahay mula sa pamahalaan sa Brgy.Talisay, Sorsogon City.  

Ang pagbisita ng bise presidente ay bahagi ng kanyang papel bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at upang matiyak din na naipapaabot sa mga Pilipino ang programa ng pagtulong ng pamahalaan sa mga mahihirap at mga pamilyang lantad sa panganib dala ng kalamidad.

Kasama ni VP Binay si HUDCC Usec. Cecilia S. Alba, kinatawan ng Agencia Española de Cooperación Internacional para el Desarrollo (AECID) Funding Agency, United Nations (UN) at mga opisyal ng Department of Science and Technology (DOST). 

Sinalubong ang Bise Presidente ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Sorsogon District, Sorsogon State College (SSC) President Dr. Antonio Fuentes, mga kawani ng Sorsogon City-LGU at mahigit sa sampung alkalde ng probinsya ng Sorsogon.  Alertado rin ang hanay ng mga awtoridad sa pangunguna ng Philippine National Police Sorsogon at ng Phil. Army na nagbigay ng seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas.

Maliban sa mga aktibidad na nabanggit ay nagkaroon din ng site visitation sa limang School Mitigating, Adapting and Resilient to Typhoons (SMART) School sa mga kostal na lugar ng lungsod, nagsagawa rin ng pagsilip sa Water Treatment Facility ng Sorsogon City Public Market at sa kasalukuyang implementasyon ng proyektong pabahay ng UN at mga inisyatibo sa programang pabahay ng pamahalaan ng ibang Local Government Unit (LGU) dito.

Samantala, nakiisa rin si VP Binay sa ginawang fun run kahapon sa pangunguna ng Alpha Phi Omega (APO) dito sa lungsod ng Sorsogon. Ang aktibidad ay bahagi ng partisipasyon ng nasabing organisasyon sa pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2011. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment