Tuesday, November 8, 2011

BDS sa Bonga, Castilla nagsagawa ng barangay assembly


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 7 (PIA) – Nagsagawa ng Barangay General Assembly noong Sabado, Nobyembre 5, ang Brgy. Bonga sa bayan ng Castilla, Sorsogon sa pangunguna ng Barangay Defense System at ng mga local na opisyal ng barangay sa pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal barangay at ng munisipyo at sa Philippine Army sa pamumuno ni 903rd Infantry Brigade Commanding officer Col Felix J. Castro, Jr.

Sa programang ‘Bayanihan para sa Kapayapaan Tungo sa Kaunlaran’ ng Philippine Army. Sinabi ni 903rd Infantry Brigade Executive Officer Lt. Col. Lenart Lelina na tatlong daang lokal na residente ang aktibong nakilahok sa nasabing general assembly. Buo din umano ang naging suporta ng konseho ng Sangguniang Bayan ng Castilla kung saan nagpaabot din ito ng mensaheng nagbigay inspirasyon sa mga residente.

Nagpapasalamat naman ang kapitan ng Brgy. Bonga sa pamahalaan na sa pamamagitan ng Philippine Army ay nakakamit na nila ngayon ang kaayusan at kapayapaan sa barangay dahilan sa pagkakatatag ng BDS.

Ipinagmamalaki naman ng pamahalaang bayan ng Castilla na mayroon nang pederasyon ng BDS sa kanilang bayan kung saan may sibilyang nakaupo dito bilang presidente ng samahan nang walang hinihinging bayad o sahod. Nakatakda rin umanong magkaroon ng reorganisasyon ng susunod na lider at libreng registration para sa mga nais maging kasapi ng BDS na bibigyan din ng identification card (ID).

May hiwalay na pondo din umanong itinalaga ang pamahalaang bayan ng Castilla para sa programang pangkabuhayan ng mga kasapi na maaari nilang magamit na tinagurian nilang “pantawid sakit ng tiyan at pampalinaw ng isip”.

Nagpasalamat naman ang mga kasapi ng BDS na nakakanenepisyo nito sa pagsasabing malaking tulong ito sa kanila lalo na sa panahon ngayon na mahirap maghanap ng trabaho. Magaan din umano sa kanilang pakiramdam na sa kanilang boluntaryong pakikilahok ay nakakatulong din sila sa pamahalaan sa pagmamantini ng kaayusan at kapayapaan ng komunidad.

Hiniling din ng mga ito sa lahat na nawa’y magkaisa na, iwasan na ang dahas at paggamit ng armas at magtulung-tulong na lamang para sa ikauunlad ng komunidad. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment