Monday, November 21, 2011

Bodega sa Bulan, Sorsogon nasunog


Bulan, Sorsogon, Nobyembre 21 - Muling nagpaalala sa publiko partikular sa may ari ng mga malalaking tindahan si Senior Fire Officer 4 (SFO4) Tomas D. Dio, hepe ng  Bureau of Fire Protection Bulan na doblehin ng mga ito ang pag iingat laban sa sunog.

 Ito ay matapos na makapagtala ng panibagong insidente ng sunog sa bodega ng Fuxing Enterprises na pag aari ng isang negosyanteng  Taiwanese sa Zone 4, C. Gotladera St., Bulan noong Biyernes, ika 17 ng Nobyembre 2011 bandang alas onse ng gabi.

Makakapal na usok ang bumalot sa lugar dahil sa pagkakasunog ng mga plastik at mga bagay na madaling magliyab sa loob ng bodega. Idineklarang ‘totally fire out’ ang nasabing sunog alas singko na ng madaling araw. Subalit patuloy pa ring binomba ng tubig ng mga tauhan ng  Bulan Fire Station ang bodega hanggang alas syete ng umaga dahil sa makakapal pa ring usok na lumalabas dito sanhi ng mga nasusunog  pang plastic at upang hindi na muling sumiklab pa ang apoy.

Patuloy din ang masusing imbestigasyon ng  BFP Bulan upang matukoy ang naging sanhi ng sunog at kung magkano sa kabuuan ang naging danyos nito.

Ayon kay SF04 Dio, kailangang doblehin ang pag iingat lalo na ngayong nalalapit ang kapaskuhan kung kailan marami ang naitatalang insidente ng malalaking sunog.

Dagdag din nya na pinaiigting na rin ng BFP Bulan ang pag-iinspeksyon sa mga establisemyento upang maiwasan ang mga sakunang may kinalaman sa sunog. (Aldrin Recebido, Bulan BFP/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment