Tuesday, November 8, 2011

Experimental at investigative science research tulong sa pag-unlad ng komunidad


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 8 (PIA) – Binigyang komendasyon ni Department of Education (DepEd) Sorsogon City Science Education Program Supervisor Dr. Nenita Dioquino ang nagging hakbang ng mga mag-aaral ng Chiang Kai Shek School dito sa lungsod ng Sorsogon sa ginawang paglilinang nito sa kakayahan ng kanilang mga mag-aaral sa elementary.

Dahilan umano dito ay nabuksan na ang isipan ng mga mag-aaral sa murang edad sa pagtulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng komunidad sa pamamagitan ng paggawa ng mga experimental at investigative science research.

Ilan sa mga sinaliksik ng mga mag-aaral ng nasabing paaralan ay ang paggawa ng patchouli aloe vera herbal shampoo, moringa o malunggay tea, versatile ginger tea at mga herbal soap.

Ayon kay Dioquino, malaking tulong ang ganitong mga pananaliksik ng mga bata sapagkat maliban sa nalilinang na ang mga kakayahan ng mga bata na maaari pa nilang mapalago sa paglipas ng panahon ay makakakatulong pa sila sa pag-unlad hindi lamang ng kanilang komunidad kundi maging ng buong bansa.

Maganda umanong nagagabayan na ngayon pa lang ang mga Kabataan na maipagpatuloy ang kanilang pagnanais na makagawa ng mga natatanging imbensyon sa siyensya, teknolohiya at modernisasyon ng panahon.

Hinikayat din niya ang mga pampublikong paaralan na gawin ang kahalintulad na pagganyak at paggabay sa mga bata, sapagkat ito umano ang kailangan ngayon ng bansa, ang makalinang ng mga Pilipinong makakatulong sa pag-unlad pangkabuhayan ng mga mamamayan at ng ekonomiya ng bansa. (HBinaya/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment