Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, November 25 (PIA) – Pormal nang nagtapos kahapon ang tatlong araw na pagsasanay ukol sa natural farming kung saan pinukaw ang kamalayan ng mga kalahok ukol sa mga oportunidad na maaaring magawa at mapagkakitaan sa pamamagitan ng natural na pagsasaka.
Nilahukan ng mga magsasaka, media, mga tauhan ng city at provincial agriculture office sa pangunguna ng Green Valley Development Program (GVDP) sa tulong ng World Vision.
Ayon sa mga kalahok naging makabuluhan para sa kanila ang mga teknolohiya at terminolohiyang kanilang natutunan. Tinuruan din sila umano ng tamang fruit juice extraction, paggawa ng yakult at paggawa ng mga produktong herbal.
Maliban dito ay tinuruan din ang mga kalahok kung papaano ang tama at natural na pangangalaga ng mga lupaing sinasaka, tamang sistema at istratehiya sa pag-aalaga at pagpapakain ng mga alagang biik upang mas tumaas ang timbang nito sa loob lamang ng ilang buwan nang hindi gumagamit ng mga commercial feeds.
Nagpasalamat din ang mga ito sa naging pagpukaw ng kanilang kamalayan at pagbabahagi sa kanila ng mga makabagong sistema ukol sa natural na pagsasaka nang sa gayon ay maiwasan na rin ang labis na epekto ng paggamit ng mga pestesidyo sa kanilang mga sinasaka.
Samantala, sa kaugnay na impormasyon, matatandaang sa naging talakayan noon sa Pilipinas Natin Forum, nililinaw na umano ngayon ang posisyon at kalagayan ng agrikultura sa Philippine Development Plan lalo’t karamihan pa rin sa mga Pilipino ay umaasa sa agrikultura.
Sa mga naging paliwanag, lumalabas na hindi dapat mapabayaan ang agrikultura lalo’t sa ngayon ay masyadong mabilis ang pseudo-industrialization, isang industriyalisasyong hindi naman tunay na nag-uumpisa sa pag-angat ng agrikultura, lalo’t ang mga anak ng mga magsasaka sa kasalukuyan ay iniiwan na ang kanilang nakagisnang lugar upang lumipat sa lungsod. Dapat umanong maintindihan ng mga nasa sektor ng pagsasaka na walang kapasidad ang lungsod pagdating sa productivity sapagkat umaasa lamang ito sa mga rural areas. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment