Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 24 2011 – Inanunsyo ng Commission on Election (Comelec) Sorsogon City na patuloy pa rin sila hanggang sa ngayon ng pagtanggap ng mga bagong botante, validation ng mga rehistradong botante, transfer at reactivation ng mga botante.
Ayon kay City Election Supervisor, ayon sa konstitusyon ng pamahalaan ng Pilipinas, karapatan ng mga mamamayang Pilipino na makapili ng sinumang nais nilang maging lider sa pamamagitan ng pagboto subalit kaakibat ng karapatang ito ay ang responsibilidad na iparehistro ang kanilang mga sarili bilang botante at mandato ng Comelec na tulungan silang magawa ito.
Inisa-isa ni Filgueras ang mga rekisitos na kailangan upang maging maayos ang datos ng isang rehistradong botante upang wala itong kaharaping suliranin sa oras ng botohan.
Aniya sa mga nais magpa-validate, kailangan lamang nilang pumunta sa tanggapan ng Comelec kung saan sila nakarehistro para sa biometrics data at photo capture.
Subalit kung may mga suliranin umano tulad ng maling ispeling ng pangalan o paelyido ay dapat na magdala ang botante ng kopya ng birth certificate o marriage contract depende sa kung ano ang maling nais itama. Marriage contract naman kung magpapalit ng marital status habang sa mga nais namang lumipat ng voting precinct ay dapat na magdala ng valid ID kung saan nakasaad ang kasalukuyang address na nilipatan at kung wala naman ay sertipikasyon mula sa kapitan ng baranagay na lehitimo na silang residente sa lugar, at police clearance.
Para sa mga bagong botante, dapat na labingwalong taon na ito sa araw na magpaparehistro at kailangang may dala siya ng kopya ng birth certificate.
Nilinaw din ni Filgueras na kapag dalawang ulit nang hindi bomoto ang botante ay awtomatikong matatanggal ang kanilang pangalan sa listahan ng mga botante. Ibinigay niyang halimbawa ang dalawang halalan noong 2010 na kung hindi umano nakaboto sa dalawang pagkakataong yaon ay hindi na maaaring makaboto sa susunod na halalan kung hindi nila mare-reactivate ang kanilang voter’s registration.
Sa mga ganitong pagkakataon, nagpapadala umano ang Comelec ng notice of cancellation sa barangay council na naka-address sa nakanselang botante.
Sinabi ng opisyal na sa mga nais ma-reactivate ang kanilang voter’ registration ay dapat na dalhin ang notice of cancellation na pinadala ng Comelec o kung hindi ito natanggap ay magdala ng valid ID kung saan nakalagay doon ang kasalukuyang address o tirahan at police clearance.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang publiko na agad nang bumisita sa tanggapan ng Comelec kung saan sila nakarehistro upang matiyak na naitala sila at maayos ang kanilang mga dokumento. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment