Thursday, November 17, 2011

PHO magkakaroon na ng Dialysis Center


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 17 (PIA) – Inaasahang maisasakatuparan na ng Provincial Health Office (PHO) ang operasyon ng PHO Dialysis Center na ilalagay sa Dr. Fernando Duran Senior Memorial (DFBDSM) Hospital o mas kilala sa tawag na Sorsogon Provincial Hospital sa Enero sa susunod na taon.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia, handa na ang lugar at ibang mga kagamitan pati na ang medical staff subalit non-operational pa ito at tanging ang dialysis machine na lamang ang hinihintay nila.

Tapos na rin umano ang bidding para sa dalawang yunit ng dialysis machine at inaasahan nilang darating na ito anumang araw mula ngayon.

Sinabi ni Dr. Edgar Garcia na dialysis machine na lamang ang kulang upang tuluyan nang mag-operate ang bagong dialysis center ng PHO. Aniya, bunga ito ng tulungang pagsisikap ng Provincial Health Office at ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga nagkakasakit at isinasailalim sa dialysis na mga Sorsogoanon.

Sa inisyal din niyang pahayag ukol sa magiging sistema ng pagpapagamot, dapat umanong sumailalim muna ang magpapa-dialysis sa konsultasyon sa itatalagang nephrologist ng PHO sa DFBDSM Hospital.

Sa lalawigan ng Sorsogon, unang nagkaroon ng dialysis center ang Sorsogon Medical Mission Group Hospital at sa kasalukuyan ay mayroon na ring limang dialysis machine ang Sts. Peter and Paul Hospital na pinamamahalaan ng Metrohealth Clinic ayon sa kanilang napagkasunduan o pinirmahang Memorandum of Agreement.

Ayon sa pamunuan ng Sts. Peter and Paul Hospital, isa ito sa kanilang paraan upang maitaas ang kalidad ng ospital. Magkakaroon din umano sila ng expansion kasabay ang pagpapasinaya sa bagong intensive care unit ng hospital sa mga sususnod na araw.

Naniniwala si Garcia na sa ginagawa ngayong hakbang hindi lamang ng PHO kundi maging ng mga pribadong ospital dito ay mas matutugunan ang pangangailangan ng dumadaming bilang ng mga pasyente lalo na ang mga maysakit sa bato na nagpapa-admit sa mga ospital.

Subalit, mariin pa ring sinabi ni Garcia na dapat na maging maingat pa rin ang mga mamamayan at panatilihin pa ring malusog ang kanilang pangangatawan dahilan sa mas mahirap pa rin ang magkasakit lalo ngayong panahon. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment