Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 16, 2011 – Sa isinagawang press conference kahapon kaugnay ng pagbibigay linaw sa isyu ng pagbibigay ng mga pekeng prangkisa ng tricycle kung saan sangkot ang hepe ng City Permits and Licensing, mariing sinabi ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda na batas ang dapat na manaig.
Kaugnay nito ipinakakans
ela ng alkalde ang mahigit sa dalawang-daang yunit ng ilegal na Motorized Tricycle Operator’s Permit (MTOP) na inisyu ni City Permits and Licensing Chief Jose Pura, Jr. dahilan sa hindi umano ito umaayon sa City Ordinance No. 12 series of 2009 na naglilimita sa pagbibigay ng mga prangkisa sa mga traysikel na pumapasada sa lungsod ng Sorsogon at sa inaprubahang moratorium ng city council na limang taon ang hihintayin bago muling magbukas ng panibagong aplikasyon ng prangkisa.
Maliban sa desisyong ito, sinabi ni Mayor Dioneda na inilipat na rin niya ng tanggapan si Pura kasama ng isa pang nasasangkot sa kontrobersya mula sa tanggapan ng human resource management. Nagtalaga din si Dioneda ng officer-in-charge sa permits and licensing office maliban pa sa atas niyang pagbuo ng tatlo kataong investigating committee na mag-iimbestiga sa kaso at makagawa ng konklusyon ukol dito, tatlumpong araw mula nang buuin ito noong Miyerkules ng nakaraang lingo.
Sinabi pa ni Dioneda na makakaasa ang lahat na isasapubliko ang magiging resulta ng imbestigasyon at sa tulong ng city legal counsel ay agad din niyang aaksyunan kung sakaling may criminal liabilities na dapat sagutin ang mga sangkot. Tututukan din niya umano ang kasong ito upang muling maibangon ang imahen ng permit and licensing section na nabahiran ng anomalya. (fej/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment