Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 21 (PIA) – Isang surgical mission nag nakatakdang gawin sa Dr. Fernando B. Duran, Sr. (DFBDSM) Hospital o mas kilala bilang Sorsogon Provincial Hospital mula bukas, Nobyembre 22 hanggang Nobyembre 23 para sa mga Sorsoganong may lip at cleft palate o may mga bingot.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia, target nilang mabenepisyuhan ng libreng operasyon ang apatnapung mga pasyenteng mula edad tatlong taon hanggang labinlimang taon sa dalawang araw na surgical mission na ito.
Ipinaliwanag ni Garcia na inabisuhan din nila ang mga dating pasyenteng may bingot na isinailalim sa nakaraan nilang surgical mission na bumalik para sa follow-up check-up. Maging yaong mga hindi natuloy maoperahan noong nakaraang operasyon ay inabisuhan na rin nilang kumpletuhin na ang mga rekisitos na kailangan upang maoperahan na ang mga pasyente ngayon.
Habang ang mga bagong nagpalista at magpapalista pa ngayong araw ay isasailalim nila sa screening upang matiyak na nasa maayos na kondisyon ito bago operahan.
Dagdag pa ni Garcia na hindi isasailalim sa operasyon ang pasyenteng may lagnat, ubo at sipon.
Bukas din umano sila para sa mag nais makipagsapalaran o walk-in patient subalit dapat na maintindihan ng mga ito na kailangang unahin nila ang mga nauna nang nagpalista sa kanila bago sila makakuha ng slot.
Ang nasabing surgical mission ay inisyatiba ng Provincial Health Office sa tulong ng pamahalaang lokal ng Sorsogon.
Samantala, sinabi ni Garcia na maraming mga kadahilanan kung bakit nagkakaroon ng lip at cleft palate ang isang tao. Aniya, maaaring genetic o namana ito at kadalasang posibilidad din ang hindi maaayos na nutrisyon at hindi tamang pangangalaga sa nagbubuntis na mga ina.
Kaugnay nito ay pinayuhan niya ang mga buntis na sumailalim sa pre-natal upang nasusubaybayan ang nagaganap sa kanilang mga sanggol habang ipinagbubuntis pa lamang nila ito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment