Wednesday, November 2, 2011

Todos Los Santos naging maulan; zero crime incidence naitala ng PNP


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 2 (PIA) – Hindi naging hadlang para sa mga Sorsoganon na nais dumalaw sa sementeryo ang halos ay buong maghapon at magdamag na pag-uulan.

Naobserbahang marami pa rin ang bumisita sa sementeryo na nagdala na lamang ng payong at naglagay ng mga tent malapit sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay, subalit mapapansing mas kakaunti ang nagpaumaga sa sementeryo kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Naging kampante naman ang mga mamamayan dahilan sa pagiging visible ng mga awtoridad hindi lamang mga kapulisan kundi maging ang Philippine Army, Bureau of Fire Protection, mga barangay official at tanod, civic groups at iba pang mga institusyong nagnanais maging payapa at maayos ang obserbasyon ng Undas.

Naging matiwasay naman ang maghapon at magdamag at walang naitalang mga negatibong insidente kaugnay ng obserbasyon ng Todos los Santos. Ayon sa pamunuan ng Philippine National Police Sorsogon, nakatulong ang pag-ulan ng malakas dahilan upang makapagtala sila ng ‘zero crime incidence’ dito. Tiniyak din nito na magpapatuloy pa rin ang kanilang operasyon para sa ‘Oplan Kaluluwa’ para sa pagdagsa pa ng mga bibisita sa sementeryo ngayong araw.

Ngayong umaga kung saan tumila na rin sa wakas ang ulan ay muli na namang nakita ang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo na karamihan ay yaong hindi nakapunta kahapon at kagabi dahilan na rin sa hindi magandang lagay ng panahon.

Samantala, sa kabila ng mahigpit na paalala at panawagan ng Department of Environment and Natural Resources at mga environmentalist, marami pa ring mga basura ang iniwan partikular ng mga nagbenta ng bulaklak, mga maliliit na tindahang naglatag ng paninda sa mga kalye at maging ng mismong mga bumisita sa sementeryo, subalit mabilis naman itong naaksyunan ng mga street sweepers kung kaya’t bago pa man lumiwanag ngayong umaga ay malinis na ang mga lugar dito.

Sa kabilang dako, naobserbahang kahapon pa ay dagsa na ang mga pasahero sa mga istasyon ng bus at pantalan dito na papaalis ng Sorsogon. Maliban sa mga pasaherong bumisita dito sa lalawigan ay sumabay din sa dagsa ng mga pasahero ang mga estudyanteng bibyahe pabalik na rin sa kani-kanilang mga destinasyon dahilan sa pagtatapos ng semestral break at enrolment para sa ikalawang semestre.

Maluwag naman ang daloy ng trapiko sa kabisera ng lungsod ng Sorsoogn dahilan sa nananatiling walang pasok pa rin ang mga mag-aaral ngayon subalit sa panig ng mga opisina at bangko ay balik na sa normal ang transaksyon ngayong araw. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment