Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 8 (PIA) – Matapos maitanim ang mahigit sa isang libong mga propagules o maliliit pang bakawan noong ika-23 ng Agosto ngayong taon sa Sitio Magaragad, Brgy. Sibago, Donsol, Sorsogon, muling magkakaroon ng tree planting activity ngayong araw sa kaparehong lugar bilang bahagi pa rin ng pakikiisa sa National Greening Program (NGP) ng pamahalaang nasyunal.
Pangungunahan ang aktibidad ng Parasirang Donsolanon Abante Biriyong Aagapay sa Kauswagan (PADABAKA), World Wild Life Fund (WWF) na nakabase sa Donsol, Sorsogon, at ng 3rd Special Forces Company na nasa ilalim ng patnubay ng 903rd Infantry Brigade 9 Infantry Division ng Philippine Army sa pamumuno ni Col. Felix Castro, Jr.
Katuwang ang mga residente at opisyal ng barangay Sibago, Philippine National Police, Department of Environment and Natural Resources, lokal na mga mamamahayag, Provincial Tourism Office, mga mag-aaral at guro sa Sibago Elementary School at mga volunteer mula sa iba’t-iba pang mga organisasyon, aabot sa sampung libong mga mangrove propagules ang nakatakdang itanim ngayong araw.
Ang mga ahensya at organisasyong ito ay una nang naghayag ng kanilang pledge of commitment upang matulungan ang eco-tourism development ng Brgy. Sibago at maisakatuparan ang pagtatayo ng Bayanihan Eco-Park dito.
Inaasahang mapupunuan ng mga itatanim pang mangrove propagules ang mahigit-kumulang sa apat na ektaryang kostal na lupain sa lugar na sa kalaunan ay magsisilbing malaking atraksyon sa gagawing Bayanihan Ecological Park.
Maliban sa treeplanting, magkakaroon din ng coastal clean-up at follow-up sa mga itinanim na bakawan noong Agosto upang matiyak kung ilan sa mga ito ang nabuhay at nangamatay.
Sinabi naman ni Lt. Col. Lenart R. Lelina, Executive Officer ng 903rd Brigade, bahagi din ang tree planting activity ng kanilang soft engineering measure bilang paghahanda sa anumang panganib na maaaring dalhin ng mga kalamidad tulad ng bagyo, tidal wave, storm surge, at iba pa.
Ayon pa kay Lelina, tinitiyak nilang hindi lamang basta magtatapos sa pagtatanim ng mga puno ang aktibidad kundi mas higit na mahalagang makita nilang nabubuhay ang mga ito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment