Wednesday, December 14, 2011

BIR Sorsogon nanawagan sa mga taxpayer na magbayad ng buwis


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 14 (PIA) –Sinabi ni Bureau of Internal Revenue Sorsogon District Officer Thelma Pulhin na patuloy pa rin ang pagpapakalat nila ng mga impormasyon sa publiko upang matiyak na alam ng mga taxpayer ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis.

Ayon kay Pulhin desidido ang kanilang tanggapan na habulin yaong mga umiiwas sa pagbayad ng tamang buwis at yaong mga hindi talaga nagbabayad ng buwis.

Aniya, kung sa kabila ng kanilang pagsisikap na maipaintindi sa publiko ang kanilang obligasyon at ang kahalagahan ng pagbabayad ng tamang buwis ay marami pa rin ang hindi magbabayad ng kaukulang buwis ay mapipilitan umano ang kanilang tanggapan na magsagawa ng tax audit upang matukoy ang mga hindi nagbabayad at kulang magbayad ng buwis.

Dagdag pa ni Pulhin na may listahan na rin sila ng mga propesyunal mula sa iba’t-ibang mga munisipyo kung saan maaari nilang gamitin upang matukoy ang mga delingkwenteng tax payer.

Inanunsyo din ni Pulhin ang ilang mga pagbabago sa singil sa buwis tulad ng pagtaas sa cut-off ng singil sa renta na sakop ng Value Added Tax (VAT). Mula umano sa dating P10,000 pababa na renta, naging P12,000 pababa na ngayon ang exempted sa Expanded VAT. Subalit babawasan na ito ng percentage at business tax.

Dagdag pa niya na simula naman sa susunod na taon, bagong porma na rin ang gagamitin para sa pagsumite ng Income Tax Return (ITR), bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng BIR.

Patuloy din umano ang kanilang pagsisikap na mapataas ang kanilang tax collection efficiency at mas gawing simple ang proseso sa pagbabayad ng buwis upang hindi na mahirapan pa sa pagbayad ang mga taxpayer.

Nito lamang nakaraang Oktubre ay nalampasan ng BIR Sorsogon ang target collection nilang P31 million matapos na makakolekta sila ng P34 million. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment