Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 7 (PIA) – Bilang tugon sa panawagan ng pamahalaan na paigtingin pa ang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagbubuo ng matatag na bansa, isang Annual Awards for Student’s Independent (SINDI) Films ang binuo ng ilang mga grupo sa bansa.
Sa pangunguna ng Sectoral Anti-Poverty (SAP) Movement Philippines, Inc. ang taunang SINDI Film Awards ay ipatutupad sa pakikipagkawing sa Department of Education (DepEd), ABS-CBN Broadcasting Corporation, University of the Philippines Film Institute (UPFI), National Youth Commission (NYC), YES Pinoy Foundation (YFP), Innovative management and Communications Network (IMCN), TATS Entertainment Production, at Filipino Movie-makers (FILMS), Inc.
Nagpalabas na rin ng Memorandum No 215 s. 2011 ang Deped na humihikayat sa mga paaralan na suportahan ang adhikaing ito. Maging si Pangulong Benigno Aquino III ay binigyang komendasyon din ang pagsisikap ng SAP sa kanilang malikhaing istratehiya upang pukawin ang kamalayan ng mga Kabataan ukol sa pagiging makabayan.
Matatandaang noong Pebrero ngayong taon ay binuo ng SAP ang proposal na makapagsagawa ng annual search for best Student’s Indie-Films at film makers mula sa mga paaralang sekundarya na nagsisikap na gamitin ang kanilang oras, lakas at talent sa pagbuo ng mga pelikulang magbibigay ng mga positibong kaugalian at katangian ng mga Pilipino. Ang hakbang ay tataguriang Student’s Independent o SINDI Film Annual Awards.
Ang mananalo mula sa 17 rehiyon sa bansa ay makatatanggap ng cash prize, iba pang gantimpala at college scholarship sa paggawa ng pelikula. Nakatakda ang Awards Night sa ika-22 ng Abril 2012 sa AdarnaTheater, UP Film Institute, UP Diliman, Quezon City.
Ang sinumang mga interesado ay maaaring bumisita sa website na www.sindifilms@gmail.com o sa sectoralantipoverty@gmail.com. Maari ding tumawag sa (02) 986-2102 at 781-6041 o mag-SMS sa 0910-4277433, hanapin lamang si Ms. Reggie M. Velasco, SINDI-FILM Marketing Events Head o maaari ring makipag-ugnayan sa Philippine Information Agency Sorsogon Information Center para sa iba pang mga detalye ukol sa kumpetiston. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment