Wednesday, December 21, 2011

Peace rally isinagawa sa Castilla, Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Disyembre 21 (PIA) – Sa pangunguna ni Castilla Municipal mayor Olivia M. Bermillo, nagsagawa ng Barangay Defense System (BDS) Peace Caravan ang bayan ng Castilla noong nakaraang linggo bilang pagpupugay at pasasalamat na rin nila sa pagkakaroon ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang komunidad, at sa pagpapanatili ng kanilang pagkakakilanlan bilang isang mapayapang bayan.

Sinimulan ang peace caravan sa harapan ng pamilihang bayan ng Cumadcad, Castilla at inikot nito ang tatlumpu’t-apat na mga barangay ng buong munisipalidad.

Naroon ang buong pwersa ng Sangguniang Bayan at lokal na pamahalaan ng Castilla upang magpakita ng suporta sa ginawang aktibidad. Maging ang Philippine Army, Philippine National Police, opisyal at kinatawan ng BDS, mga magsasaka, sektor ng transportasyon, mga mamamahayag sa Sorsogon at Albay at mga mag-aaral ay buong puso ring sumuporta sa nasabing peace caravan.

Dala-dala ng mga mag-aaral partikular ng San Isidro Elementary School, ang nag-iisang pilot School of Peace ng Bicol Consortium on Peace Education and Development (BCPED) sa buong Luzon, ang ginawa nilang mga poster at slogan sa ginanap na patimpalak para sa kapayapaan kamakailan lamang.

Ayon kay Mayor Bermillo, mapayapa at tahimik na ang bayan ng Castilla ngayon at tinitiyak nilang hindi na sila basta-basta mapapasok ng sinumang nais maghasik ng kaguluhan at takot sa kanilang lugar.

Dagdag pa niya na nais nilang ipakita sa publiko ang malaking bahaging ginagampanan ng pagpapanatili ng kapayapaan sa pagkamit ng kaunlaran ng isang komunidad. Positibo din umano siya na sa pagtutulungan ng bawat isa ay maipagpapatuloy ang adyendang pangkapayapaan at pangkaunlaran na isinusulong ng pamahalaan. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment