Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 21 (PIA) – Muling ipinaalala ng Department of Labor and Employment na illegal ang anumang uri ng child labor sa bansa at ang dapat umano ay mapangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga ito.
Binigyang-diin ni DOLE Regional Assistant Director Irma Valiente na ang child labor ay malinaw na paglabag sa labingdalawang karapatan ng mga bata partikular diumano ang karapatan ng mga ito sa edukasyon kung kaya’t umaasa siyang sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga government at non-government institution ay maibabalik ang mga bata sa paaralan.
Determinado din umano ang DOLE at katuwang nilang institusyon at ahensya na matugunan ang mga pangangailangan ng mga bata, mga kabataan at kasapi ng komunidad upang magkaroon ng panibagong pag-asa ang bansa.
Ayon pa kay Valiente, pinaigting din nila ang relasyon ng DOLE sa mga lokal na pamahalaan upang mas matulungan ang ahensya sa kabuuang implementasyon ng mga programa nito. Naniniwala umano silang mas alam ng mga Local Government Unit (LGU) ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Partikular ding binigyang-diin ni Valiente ang pagpapalakas pa ng programa sa paglaban sa child labor sa dahilang hindi dapat pagtrabahuhin ang mga bata lalo na ang mga menor de edad, at upang malinawan ang publiko, ay muli din niyang ipinaalala ang kaukulang penalidad sakaling lumabag sa RA 9231 o ang Anti-Child Abuse Law.
Maliban sa child labor, pinagsisikapan din ng ahensya ang pagbibigay solusyon sa illegal recruitment kung kaya’t mahigpit nilang pinababantayan ang mga pantalan, na siyang kinukunsiderang entry at exit point ng mga illegal na aktibidad.
Pagtitiyak pa ni Valiente na sa ngayon ay aktibo at nasa full implementation na ang lahat ng programa ng DOLE. (PIA Sorsogon)