Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 30 (PIA) – Nanawagan si Major Walfrido Felix Querubin, Civil Military Operations officer ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army na nakabase sa Brgy. Old Poblacion, Castilla, Sorsogon, sa mga aplikanteng nakapasa sa isinagawang Philippine Army Aptitude Test Battery (PAATB) Examination noong Nobyembre 2011 na magsumite na ng mga kaukulang dokumento para sa aplikasyon sa Candidate Soldier Course.
Ayon sa opisyal, kinakailangang magsumite na ang mga nakapasang aplikante ng kanilang mga kinakailangang papeles sa tanggapan ng Assistant Chief of Staff for Personnel, G1 sa headquarters ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa Camp Elias Angeles sa Brgy. San Jose, Pili, Camarines Sur.
Ang mga aplikasyon bilang kandidato sa kursong pagsusundalo ay tatanggapin umano hanggang sa ika-5 na lamang ng Pebrero ngayong taon.
Samantala, nagbukas din ng oportunidad ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas para sa mga nais mag-aplay bilang sundalo na may angking talento sa pagkanta at pagtugtog ng anumang uri ng instrumentong pangmusika, pagiging combo player at musikero, babae man o lalaki.
Dapat lamang umanong nakatapos ito ng hayskul, may taas na hindi bababa sa limang talampakan, labingwalo (18) hanggang dalawampu’t-anim (26) na taong gulang, walang asawa at pananagutan sa anak.
Maging yaong mga lalaking nais maging kasapi ng Basketball Team ng 9th Infantry Division ay inaanyayahan ding mag-aplay kung saan dapat na may taas itong limang talampakan at sampung pulgada (5’10”), may angking galing sa larong basketball at may edad na labingwalo (18) hanggang dalawampu’t-anim (26), binata at walang pananagutan sa anak.
Ayon pa kay Querubin, ang mga interesadong aplikante ay magdala lamang ng kaukulang I.D. o pagkakakilanlan at magsadya sa headquarters ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa Brgy. San Jose sa bayan ng Pili, Camarines Sur. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment