Thursday, January 26, 2012

Implementasyon ng ‘total log ban’ nilinaw


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 26 (PIA) –Nilinaw ni Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Officer In-Charge Forester Crisanta Marlene Rodriguez na walang ipinatutupad na total log ban ang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kay Rodriguez, alinsunod sa Executive Order (EO) 23 o ang “Moratorium on the Cutting of Trees and Harvesting of Timber in the Natural and Residual Forests” na ipinalabas ni Pangulong Aquino, totoong bawal magputol ng mga kahoy doon sa tinatawag na natural at residual forest, subalit may kalakip umanong exemption ang EO kung kaya’t hindi ito matatawag na ‘total log ban’.

Kabilang sa mga exemption ang mga sumusunod: kung may proyekto ang pamahalaan partikular ang mga tinatawag na ‘road right of way’; kung may proyekto para sa paglinang ng renewable energy; paggawa ng mga linya ng komunikasyon, transmission line; kung may aprubadong Environmental Protection and Enhancement Program (EPEP) para sa operasyon ng pagmimina; iba pang mga prayoridad na proyekto ng pamahalaan; at kung sakaling ang mga punong puputulin ay kunsideradong “hazardous” o nagbibigay na ng panganib sa buhay at ari-arian ng isang tao.

Inamin din ni Rodriguez na sa kabila ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na pagpuputol ng kahoy ay marami pa ring nakakalusot, patunay ang listahan ng mga awtoridad ng mga nadadakip na lumalabag dito.

Subalit, naghayag ang opisyal ng kasiyahan at binigyan niya ng komendasyon ang tulungang pagsisikap ng mga kapartner nila sa pagpapatupad ng batas sa pagpuputol ng kahoy tulad ng mga kapulisan at mga local government units (LGUs).

Samantala, tiniyak ni Rodriguez na magpapatuloy ang Department of Environment and Natural Resources – CENRO sa pagdakip sa mga lumalabag sa batas sa pagputol ng kahoy at pagtugon sa mga natatanggap nilang tip mula sa mga lokal na residente at sa may mga pagmamahal sa kalikasan nang sa gayon ay tuluyang masugpo ang ganitong mga illegal na aktibidad at maisalba ang kalikasan laban sa tuluyang pagkasira nito na siya naman talagang pinakalayunin ng DENR.

Dagdag pa ng opisyal na may aktibong Multi-Forest Protection Committee ang rehiyon ng Bikol at maging dito sa Sorsogon ay aktibo din ang binuong task force ni Governor Raul R. Lee. Maging ang mga LGU sa lalawigan ay may kani-kaniya na ring mga task force committee na katuwang ng DENR sa pagkamit sa layunin nito. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment