Tuesday, January 17, 2012

Kampanya laban sa ilegal na aktibidad na sumisira sa likas na yaman pinaiigting ng LGU-Sta. Magdalena


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 17 (PIA) – Higit pang pinaiigting ngayon ng bayan ng Sta. Magdalena ang kanilang kampanya laban sa mga illegal na mangingisda at sa mga sumisira ng kanilang mga yamang tubig at iba pang natural na yaman.

Ito ay matapos na maipasa ng Sangguniang Bayan ng Sta Magdalena sa pangunguna ni Municipal Vice Mayor Eduardo T. Lozano at malagdaan ni Municipal Mayor Alejandro E. Gamos ang Municipal Ordinance No 02 s. 2011 na may titulong “An ordinance providing for the development, management, conservation, protection, utilization and disposition of all fish and fishery/aquatic resources within the municipal waters of Sta. Magdalena and other purposes”.

Ayon kay Councilor Antonio G. Frilles, may-akda ng ordinansa, bahagi umano ito ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang kanilang seguridad sa pagkain, matiyak ang sustenableng pag-unlad, pamamahala at pangangalaga ng lahat na uri ng mga lamang-dagat at mga yamang pangkaragatan kasama na rin ang pangangalaga sa kalikasan sa kanilang sakop na lugar.

Hindi rin umano nila isinasantabi ang kalagayan at karapatan ng mga mangingisda at yaong mga nasa sektor ng pangisdaan pati na rin ang mga kababaihan at mga kabataan. “Maliban dito ay buo ding maibibigay ng pamahalaang bayan ng Sta Magdalena ang kanilang suporta sa pamamagitan ng naipasang ordinansa,” pahayag pa ni Frilles.

Kabilang aniya sa mga suportang ito ay ang kaukulang mga pagsasaliksik at tamang teknolohiya, suportang pinansyal, produksyon, konstruksyon ng mga post harvest facilities, tulong upang maibenta ang mga ani at iba pang mga serbisyo.

Pinagtibay din ng ordinansa ang kanilang Municipal at Barangay Fisheries and Aquatic Resources sa pamamagitan ng paglalagay ng taunang pondo dito, at nasa balikat naman ng konseho ang pagpapatupad at pagrerekomenda ng mga kaukulang batas at paggiya sa paghahanda ng kanilang Municipal Fishery Development Plan. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment